Higit 2 milyong workers naka-‘floating’ status
MANILA, Philippines — Mahigit sa 2 milyon manggagawa ang nasa “floating status” dahil naka-forced leaved o kaya ay pansamantalang nagsara ang kompanya.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez na ang mahigit 2 milyong manggagawa ay nagmula sa nasa 96,000 na establisimyento.
“Sila po iyong mga manggagawa na either na-forced leave o kaya iyong kanilang mga kumpanya ay nag-temporarily close. Dahil po doon, sila pong mga manggagawa ay naka-floating status,” ani Benavidez.
Sinabi rin ni Benavidez na pinahihintulutan ng batas ang floating status pero hindi dapat lumagpas ng anim na buwan.
Kung hindi aniya mai-babalik ang mga manggagawa na nasa floating, kailangan silang i-retrench at bigyan ng separation pay.
Kung hindi naman maibabalik o kaya ay mababayaran ng separation pay, maaari silang magsampa ng kaso sa DOLE.
Pero idinagdag din ni Benavidez na naglabas ang DOLE ng kautusan kamakailan kung saan binibigyan nila ng pagkakataon ang mga emplo-yers at mga manggagawa na palawigin ang floating status base sa mapapagkasunduan.
Ipinaliwanag ni Benavidez na naniniwala sila na makakabawi ang ekonomiya at mas marami pang pagawaan at opisina ang makababalik sa operasyon kaya pinayagan ng DOLE ang extension ng floating status.
- Latest