Pinoys na may dayuhang partner, ok umalis ng Pinas
MANILA, Philippines — Maaaring mapayagan na ang mga Filipino na lumabas ng Pilipinas para makapiling ang kanilang mga asawa o partners na dayuhan na nasa ibang bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) Vice-Chairman Karlo Nograles, pinaplantsa na lamang ng gobyerno ang ibang detalye para masiguro na ang mga lalabas ng bansa ay hindi nagtataglay ng COVID-19.
Kabilang umano sa kanilang pinaplantsa ay ang mga detalye mula sa pagsaillalim sa COVID-19 test hanggang sa airport ng mga aalis na mga Filipino na ipapatupad ng Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs (DFA) at ng airline companies.
Nilinaw naman ni Nograles na “in principle” ay payag na sila sa IATF kaya kapag plantsado na lahat ang lahat ng detalye ay saka nila ito lalabas, dahil baka magkagulo lamang umano kapag inilabas nila ang panuntunan na hindi pa handa ang lahat.
Kabilang umano sa mga detalye na pina-finalize ng gobyerno ay kung anong klaseng testing ang gagamitin ng mga byaherong lalabas ng bansa at ang certification na dapat kunin bago umalis.
Makikipag-ugnayan din umano ang gobyerno ng Pilipinas sa mga bansang pupuntahan ng mga Pinoy, airline companies at iba’t ibang ahensiya.
Matatandaan na umapela ang mga Filipino na may dayuhang partners na nasa ibang bansa na payagan silang lumabas dahil ang iba sa kanila ay ikakasal subalit hindi natutuloy dahil may travel ban ang Pilipinas.
- Latest