Lumang gadgets mungkahing ipamigay sa mga estudyante
MANILA, Philippines — Para mapakinabangan pa ang mga lumang gadget, inihain ni Sen. Lito Lapid ang panukalang batas na ipunin ang mga electronic gadgets at ipamigay ito sa mga estudyante.
Sa Senate Bill no. 1845 ni Lapid, pinaoobliga nito sa mga tindahan, retail outlets at service center na magtayo ng mga puwesto na tatanggap ng mga luma o gamit ng electronic gadgets tulad ng laptop, cellphone, tablet at mga desktop computers.
Sinabi ni Lapid na ngayong maraming work from home at online ang klase, inaasahan na marami ang bibili ng bagong electronic gadgets at maaaring idonasyon o itapon ang mga nasira o napaglumaan.
Habang ang mga nasirang gadgets o luma ay pwedeng ipagawa para maipamigay sa mga estudyante na nangangailangan nito at ang mga luma naman ay kailangang gawin ang proper disposal para hindi makadagdag sa pagkasira ng kalikasan.
Inihalimbawa ni Lapid ang pag-aaral ng University of the Philippines (UP) na pagsapit ng 2021 ay aabot na sa 24.9 milyon units ng cellphone ang maaaring i-dispose base sa sinabi ng mga respondents na nagpapalit sila ng telepono kada dalawang taon.
Giit niya dapat itong maagapan lalo na baka maging dahilan ito para matigil ng pag-aaral ang ibang kabataan dahil sa kawalan ng gadget.
- Latest