^

Bansa

Fish kill sa Manila Bay pinangangambahang dulot ng dolomite 'white sand'

James Relativo - Philstar.com

MANILA, Philippines (Updated, 6:22 p.m.) — Namumuting tubig at napupuno ng nangamatay na mga isda — ganyan isalarawan ng ilang grupo't residente ang eksena sa katubigan ng Manila Bay, Huwebes nang umaga, na lugar na pinagtambakan ng kontrobersyal na "dolomite" na sinasabing nakasasama sa kalusugan.

Ito ang ibinahagi ng ngayong umaga ni Regine Nequia, presidente ng Baseco Seaside Neighborhood Association (BASA), sa isang Facebook post, bagay na kanyang labis na ikinabahala.

"Ngayon ka mapapaisip.. namumuti yung dagat tapos ang daming patay na isda, saan to galing?" sabi niya, kalakip ang ilang litrato at video.

"Dati na po nangyari ang ganito dito samin pero hindi po ganyan karami ang patay na isda," sabi niya pa sa hiwalay na panayam.

Hati raw ang opinyon dito ng ilang mangingisda sa ngayon: ang una ay baka dahil daw sa panahon o 'di kaya'y baka "nalason" ang dagat.

Pinaiimbestigahan nila ito ngayon sa mga dalubhasa lalo na't hindi naman daw mga eksperto ang mga nakatira roon.

"[L]ubos na maapektuhan ngayon yung mga mangingisda dito sa aming lugar kasi di natin masabi kung hanggang kailan ito tatagal," dagdag pa ni Nequia.

Hindi ito unang pagkakataon ng fish kill sa Manila Bay. Noong Oktubre 2019, naglunsad din ang Department of Environment and Natural Resources ng imbestigasyon sa "massive fish kill" na naiulat sa Las Piñas at Parañaque at pagkamatay ng mga tahong sa Bacoor City at Sangley Point sa Cavite.

Ayon sa ulat ng BusinessMirror sa pangyayari, nalaman naman ng Department of Agriculture na may "poor levels of dissolved oxygen, and higher levels of ammonia and phosphates than the standard level" ang tubig dagat noong panahon na iyon.

Mababa rin daw ang level of salinity kaya namatay ang mga tahong.

Sa video ng bagong insidente ng fish kill, makikitang nagsisilutangan ang mga patay na isda, habang nakikitang namumuti ang tubig ilang metro mula sa pinagkukuhanan ng footage.

Ngayon ka mapapaisip.. namumuti yung dagat tapos ang daming patay na isda, saan to galing?????

Posted by Ghine Nequia on Wednesday, September 16, 2020

"The community now worries that this might be the effect of the dolomite "white sand" as part of the Manila Bay Rehabilitation," ayon sa Urban Poor Associates sa isang paskil.

"Ms. Nequia and residents living along sea wall appeals to the environmental and government experts to look at what is happening in the Bay area since many of them have lost their jobs, and fishing is the only viable source of food and income among Baseco dwellers."

Bagama't nangyayari raw ang mga fish kill doon dahil sa polusyon, sinabi ni Princess Esponilla, media advocacy officer ng Urban Poor Associates, kung may papel bang ginampanan ang Manila Bay "white sand" sa dami ng namamatay na isda.

"They should also consider the whitish color that seems white sand mixing with the water already," paliwanag ni Esponilla.

Sa ngayon, isinangguni na ng Manila City government ang pangyayari kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Executive Director Eduardo Gongona para sa agarang imbestigasyon.

Nangyari ang nasabing fish kill matapos ang ilang araw ng mga pag-ulang idinulot ng bagyong "Leon" na kalalabas lang ng Philippine Area of Responsibility.

Imbestigasyon ng BFAR

Ayon sa pahayag ng BFAR, ika-16 ng Setyembre ay nangolekta na sila ng water samples para sa laboratory analysis matapos ang mga balita ng fish mortalities ng Manila Bay sa gawing Baseco, Tondo, Maynila.

Ayon kay Gongona, Martes pa lang ay nakakakita na ang mga residente ng mga isda gaya ng biya, kanduli, asohos at tilapia sa lugar na tila hirap na hirap huminga.

Isinagawa ang mga pag-aaral sa mga sumusunod na lugar: Baseco Beach Area, Pasig River Mouth Area, Barge Docking Area at Aplaya Area.

"The result of the water quality testing in the Baseco Area indicated very low level of dissolved oxygen (DO) at 0.11 mg/L. The acceptable level for marine waters is 5 mg/L," wika ni Gongona.

"While consuming fish which have died due to dissolved oxygen depletion is not entirely harmful, the bureau still cautions the public against consumption of dead fish and other species from the area to prevent possible harm to human health, especially if these fishes have already shown signs of decomposition like bloatedness, disintegration of parts, and foul smell among others."

Patuloy nila, tanging ang mga isdang nahuli nang sariwa at buhay pa ang  "fit for consumption," basta't mahuhugasan at maluluto daw nang maayos.

Antiporda: Hindi dolomite

Dumepensa naman si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda sa isyu, lalo na't isa ang kanilang ahensya sa mga nasa likod ng paglalagay ng dolomite sa look.

"October 10 last year nangyari din ['yan]... Nagsabi sila, namuti yung tubig at 'yun ang dahilan at bigalng naglutangan ang fish. [And now they're] inisuating na nanggaling ito sa dolomite," ani Antiporda.

"At the same time pinag-aaralan natin kung may cyanide yung water at the time."

Dagdag pa ng DENR official, hindi rin nila iniisantabi kung merong nananabutahe ng proyekto ng gobyerno. Aniya, maaaring may nagsasagawa lang ng illegal fishing activities gamit ang cyanide, lalo na't sensitibo ang mga isda dito.

Health risk ba o hindi?

Una nang sinabi ng Department of Health (DOH)  na may mga pag-aaral nang nagsasabing nakasasama sa kalusugan ang "dolomite," bagay na dinurog para magmukhang "white sand" at pinagkagastusan ng P350 milyon ng gobyerno bilang bahagi ng "rehabilitasyon."

Gayunpaman, binawi ito ng ahensya at sinabing ligtas sa kalusugan ang uri ng dolomite na inilagay sa dalampasigan.

Basahin: DOH: Pekeng 'white sand' sa Manila Bay may health risks, sabi ng mga pag-aaral | May kinalaman: DOH: Crushed dolomite on Manila Bay bigger than dust, won't pose health risks

Ayon sa DOH, nakasasama lang daw ang dolomite kung pinong-pino ang pagkakadurog na parang alikabok. Pero nasa pagitan daw ng 2-5 millimeters ang laki ng dolomite material, at 100 beses na mas malaki raw sa alikabok.

"Therefore, [it] does not get suspended in air. Moreover, occupational health and safety standards for workers and precautionary measures for the containment of possible dust formation are being implemented," ayon sa DOH.

"Therefore, in terms of the general safety of the public who will be enjoying the shoreline once permitted, DOH assures that no untoward incidents will occur as a result of this endeavor."

Pero dahil sa mga panibagong developments sa Manila, sinasabi ng DOH na pinag-aaralan na raw ng kanilang technical offices ng ang naturang reklamo.

Matatandaang pinalagan ng Greenpeace Philippines at fisherfolk group na Pamalakaya ang pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay, sa dahilang gastos lang ito at marumi pa rin ang tubig. 

Ayon kay kay Fernando Hicap, tagapangulo ng Pamalakaya, mas mainam na ibalik na lang at muling itanim ang mga nawalang bakawan (mangrove) sa Manila Bay kung nais talaga nilang ibalik ang dating ganda nito, habang muling binubuhay ang kalikasan.

Samantala, nakatakda namang maghain ng Writ of Kalikasan ang alyansang Manila Baywatch upang kwestyonin ang isinasagawang beach nourishment project sa tabi ng anyong tubig. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico

BUREAU OF FISHERIES AND AQUATIC RESOURCES

DEPARTMENT OF HEALTH

FISH KILL

MANILA BAY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with