Death penalty iraratsada na ng Kamara
MANILA, Philippines — Iraratsada na ng Kamara ang panukalang ibalik ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection laban sa mga convicted drug traffickers sa bansa.
“The House of Representatives is ready to stand up to the task and pass the priority bills outlined by President Rodrigo “Rody” Duterte in his fifth State of the Nation Address (SONA) on Monday afternoon,” pahayag ni House Majority Floorleader Martin Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na dahil prayoridad sa listahan ng Pangulo ang death penalty sa drug traffickers ay agad nila itong isasalang sa deliberasyon.
Sa Senado, sinabi naman ni Senate President Vicente Sotto III na malaki ang posibilidad na maipasa ang panukalang pagbuhay sa parusang kamatayan para sa drug related offenses.
Nilinaw naman ni Sotto na ang nasabing panukala ay namatay lang dahil sa nag-adjourned ang Kongreso at hindi ibinasura ng mga kongresista.
Dahil dito, kaya muli umanong susubukan ang panukala lalo pa nakatutok lang ang panukala sa mga krimen sa ilalim ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kaya may maganda na itong tsansa na maipasa.
Samantala, suportado rin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang panawagan ni Duterte sa Kongreso na buhayin ang ‘death penalty by lethal injection’ para sa mga drug-related crimes sa bansa.
Gayunman, paglilinaw ni Villanueva, dapat itong ipatupad para lamang sa mga ‘big-time drug traffickers’ at hindi sa mga street-level drug pushers.
Naniniwala rin si Villanueva na ang kawalan nang ipinatutupad na capital punishment sa bansa ang dahilan kung bakit naipagpapatuloy pa rin ng mga nakabilanggong drug suspects ang kanilang illegal drug activities.
Sa katunayan aniya, may mga drug transactions na silang nasabat na ang sangkot ay mga convicted na high-profile inmates kahit pa nasa loob na ng national penitentiaries ang mga ito.
- Latest