Kahit may COVID-19 pandemic, 'Cha-cha' tatalakayin sa Kamara matapos ang SONA
MANILA, Philippines — Mainit pa man ang krisis ng coronavirus disease (COVID-19) ang Pilipinas, nasa agenda na ng Kamara ang pagtatalakay sa pagpapalit ng 1987 Constitution, paglalahad ng ilang mambabatas sa ulat ng state-run PTV-4, Lunes.
Kaugnay 'yan ng resolusyong ipinasa ng 1,488-member League of Municipalities of the Philippines (LMP) para itulak ang pagpapalit ng Saligang Batas, na aamyenda sa ilang probisyon sa ekonomiya.
Basahin: Mayors push economic charter reforms
"I will call a virtual meeting of our committee possibly within the first two weeks of our session to tackle the proposals of our 1,489 town mayors and other pending measures," sabi ni House Commission on Constitutional Amendments chairperson Rufus Rodriguez kanina.
Layon ng charter change — kilala rin sa tawag na "cha-cha" (walang kinalaman sa sayaw) — na payagan ang ilang foreign investments at 100% pagmamay-ari ng banyaga sa mga lupain ng Pilipinas na bawal sa 1987 Constitution.
Planong pulungin ni Rodriguez ang panel matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte sa ika-27 ng Hulyo
Matagal nang tutol ang ilang sektor sa mungkahing cha-cha, na dati nang ginagamit para sa tumungo ang gobyerno sa pederalismo.
Pangamba kasi ng ilan, maisusuko sa mga banyaga ang nalalabing patrimonya ng bansa kung tatanggalin ang 60-40 ownership restriction sa ilang industriya. Maaari rin daw isingit dito ang "term extension" para kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinagtanggol naman ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya sa panayam ng ANC ang pagtutulak ng cha-cha kahit libu-libo na ang nahahawaan at namamatay sa COVID-19 sa Pilipinas.
"The same argument could be made of Congress. Why is Congress talking about other issues... outside of the pandemic?" sabi ni Malaya.
"Is the argument now that because of a pandemic, everything should now be about the pandemic? In fact, this issue is connected to the pandemic. What is the purpose of constitutional reform? It's to bring countryside development."
Dagdag pa ni Malaya, matagal nang agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabago ng konstitusyon. Aniya, nasa dalawang huling taon na ang rehimen kung kaya't "one final push" na raw ito na mailusot.
May kaugnayan: Duterte on Cha-cha: Do it now
Binanatan na ni Bise Presidente Leni Robredo kahapon ang panukalang cha-cha lalo na't dapat daw magtuon nang mas malaking atensyon kung paano mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
"If they want to talk about Charter change they can do so, but not this time… In Charter change, we need a referendum," ani Robredo.
"We should spend that money on testing kits, and in helping our hospitals instead."
Mayo 2020 nang itanggi ng Malacañang na prayoridad ng gobyerno ang pagpapalit ng konstitusyon, at pinasinungalingan na inuuna ito ng Department of the Interior and Local Government.
- Latest