Graduation ceremonies ipinagpaliban
Habang naka-lockdown
MANILA, Philippines — Ipinagpapaliban ng Department of Education ang mga graduation ceremonies at iba pang aktibidad sa mga eskuwelahan sa gitna ng pandemic sa sakit na novel coronavirus 2019 (COVID-19).
Ito ang nabatid kahapon kay DePed Secretary Leonor Briones na nagsabing inirerekomenda ng kanilang departamento na walang idaraos na mga graduation ceremonies na imposibleng maisagawa sa kasalukuyan sa Luzon na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.
Sinabi pa ng kalihim sa isang panayam na maraming mga pamahalaang lokal sa Visayas at Mindanao ang nagdeklara ng sari-sarili nilang lockdown kaya dini-discourage na rin ang pagsasagawa ng graduation ceremonies. Pero nilinaw ni Briones na hindi kanselado at pino-postpone lang ang graduation at iba pang end-of-school rites.
Binanggit din ng kalihim na hindi ito ang unang pagkakataon na hindi isinagawa ang mga graduation ceremony dahil naipapagpaliban din ang mga ito kapag merong mga kalamidad.
Tiniyak ni Briones na matatanggap pa rin ng mga nagsipagtapos na mga estudyante ang kanilang mga certificate at record sa eskuwelahan pero magkakaroon ng mga precautionary measures para magkatagpo ang mga magulang, elderly at mga guro. Idinagdag pa ni Briones na pinag-aaralan pa nila kung iuurong sa Agost mula Hulyo ang pagbubukas ng mga klase sa mga paaralan. “Magsa-survey kami. Kumokunsulta kami (sa mga stakeholder) dahil merong mga nais na iurong ang enrollment sa Hulyo o Agosto,” sabi pa ng kalihim.
Kasabay nito, ipinahayag ni Briones kahapon na nagnegatibo na siya sa COVID-19 isang linggo makaraang mahawahan siya nito.
- Latest