Koko kinasuhan sa paglabag sa quarantine protocol
MANILA, Philippines — Isang abogado ang tuluyang nagsampa ng kaso laban kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa Department of Justice (DOJ) dahil sa kontrobersyal na pagsuway umano nito sa panuntunan sa ‘quarantine’ nang magtungo sa isang ospital sa kabila na isa siyang Person Under Investigation (PUI) noong panahong iyon.
Gamit ang bagong panuntunan sa electronic filing, isinampa ng abogadong si Rico Quicho ang reklamo laban sa senador sa pamamagitan ng e-mail. Isinaad niya dito ang mga puntos ng paglabag umano ni Pimentel sa RA No. 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” at iba pang regulasyon ng Department of Health.
Ang sinumang lalabag sa batas ay maaaring maparusahan ng pagkakulong ng isa hanggang anim na buwan at multa mula P20,000 hanggang P50,000.
Ang kaso ay bunsod ng pagpunta ni Pimentel sa Makati Medical Center para alalayan ang kaniyang misis na naka-iskedyul na manganak.
Nabatid na PUI noon si Pimentel at sa loob ng mismong pagamutan pa niya nalaman na isa siyang COVID positive nang tumawag ang kaniyang mangagamot.
Ikinatwiran noon ni Pimentel na nanatili lamang siya sa loob ng kuwarto ng kaniyang misis at dali-dali siyang umalis ng ospital nang malaman ang resulta ng kaniyang COVID test.
Sa kaniyang post sa Facebook, sinabi ni Quicho na ang pagsasampa niya ng kaso ay bunsod rin ng isang online petition laban kay Pimentel na nagkaroon na ng 200,000 pirma buhat sa mga netizen.
Tiniyak naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na agad nilang iiskedyul ang ‘preliminary investigation’ sa isinampang reklamo sa kabila ng lockdown.
- Latest