19 patay, 307 infected sa COVID-19
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 307 ang bilang ng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), 19 ang nasawi at may 15 na rin ang pasyenteng nakarekober, sa bansa, sa ulat ng Department of Health (DOH) kahapon ng hapon.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 77 ang naidagdag sa talaan ng kumpirmaddong kaso; isa ang naidagdag sa talaan ng nasawi, habang lima ang bagong nakarekober, sa pahayag niya sa virtual press conference alas-4:40 ng ng hapon.
Ani Vergerie, apat sa limang bagong nakarekober sa COVID-19 ay pawang nakatatanda o ang sinasabing kabilang sa vulnerable sa nasabing sakit.
Kabilang sa mga kaso ang sa mga doctor at nurse na na-exposed sa ilang pasyente na kanilang inalagaan.
Umabot sa kabuuang 15 ang mga naka-recover matapos ang gamutan at quarantine procedure.
Sa kaugnay na ulat, may kakayahan na ang bansa na mapabilis ang pagsasagawa ng laboratory tests sa mga hinihinalang dinapuan ng COVID-19 dahil sa pagkakaroon ng mga sub-national laboratory para makatuwang ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Sinabi ni Vergeire na operational na ang sub-national laboratory ng San Lazaro Hospital at Baguio General Hospital and Medical Center para sa Luzon; Vicente Sotto Medical Center sa Visayas; at Southern Philippines Medical Center sa Mindanao.
Ang apat na karagdagang laboratoryo ay magsusuri ng samples ng mga pasyenteng hinihinalang tinamaan ng COVID-19 na may kapasidad na magproseso ng 50-300 tests kada araw.
Dalawa pang laboratoryo na kinabibilangan ng Western Visayas Medical Center at Bicol Public Health Laboratory ang inihahanda na rin ng Department of Health (DOH) bilang karagdagan subalit isasailalim muna ang mga ito sa proficiency testing sa loob ng isang linggo.
Ang University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH) bilang extension lab ay pinakilos na rin at kasalukuyan nang nagsusuri ng mga samples na hindi na kayang suriin ng RITM.
- Latest