Ano ito?: Posibleng 'lockdown' dahil sa COVID-19
MANILA, Philippines — Bukambibig ng marami ngayon ang posibilidad ng "lockdown" kasunod ng pagkamatay ng ikalawang local fatality kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19) at patuloy na pagdami nito sa bansa.
Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng "lockdown"?
Sa panayam ng ANC, ipinaliwanag ni Department of the Interior and Local Government spokesperson Jonathan Malaya na isa itong "extreme" na uri ng measure na maaaring isagawa.
"When you say a lockdown, you're preventing people from leaving a certain area, and you're preventing people from going inside a certain area," banggit ng DILG official.
"There has to be compeling reasons, there has to be facts on the ground that support that decision."
Parang sa Tsina at Italy
Aniya, madalas naididikit sa ginagawa sa Tsina at Italy ang usapin ng lockdown: "Yes, it's going to be like that if that decision is made," dagdag niya.
Enero pa lang nang selyuhan ng gobyerno ng Tsina ang Lungsod ng Wuhan, na sinasabing pinagmulan ng sakit na pumatay na sa mahigit 118,326.
Una nang sinabi ng Department of Health na pinag-aaralan nila kung irerekomenda nila ang pagpapatupad ng "localized lockdown."
Sa kabila nito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na kailangan muna ng "sustained human to human community transmission" bago ito mangyari.
Sinong pwedeng magdeklara nito?
Tanging si Pangulong Rodrigo Duterte ang maaaring magdeklara nito, at hindi basta maaaring ibaba ng mga local government units (LGUs). Kinakailangan pa raw kasi ng suporta ng PNP, na isang national government agency.
"It's going to be the Department of Health who will make that recommendation to the Task Force on Emerging Infectious Disease, and ultimately it will be the president," dagdag ni Malaya.
Gayunpaman, pag-uusapan daw muna ito oras na ianunsyo ang "Code Red Sublevel 2."
Sa kasalukuyan, Code Red Sublevel 1 pa lang ang nakataas, kasabay ng "state of public health emergency."
Kanina lang nang itanggi ng PNP at DILG na nagpupulong na sila kaugnay ng lockdown, matapos kumalat ang isang "conference notice" ng PNP kaugnay ng diumano'y pagsasara sa iba't ibang sulok ng Metro Manila.
'Code Red Sublevel 2'
Kahit na itaas ang Code Red Sublevel 2, inilinaw ng gobyerno na hindi ito agad-agad nangangahuligan ng lockdown.
"A lockdown is not immediately required. It would depend upon local situation," pagtitiyak pa ng DILG official.
Ayon sa mga proposed protocols ng DOH, narito ang mga maaaring maipatupad oras na magdeklara nito:
- suspensyon ng trabaho (pagsasarado ng mga opisina)
- suspensyon ng mga klase sa lahat ng antas
- pagbabawal sa lahat ng pampublikong transportasyon (tren, bus, jeep, tricycle, atbp.)
"Public transportation is going to be stopped," patuloy niya.
Gayunpaman, si Digong pa rin ang may bola kung ano ang pinal na mangyayari sa kabila ng mga mungkahing iyan.
Binalaan naman ni Malaya ang lahat sa maluwag na paggamit ng salitang lockdown, lalo na't maaari itong magdulot ng "panic" sa publiko.
Kasalukuyang nagkakaubusan ng mga alcohol, tissue paper at iba pang mga essentials dahil sa takot ng marami sa ngayon.
- Latest