^

Bansa

ALAMIN: 7 uri ng 'coronaviruses' na nakahahawa sa tao

James Relativo - Philstar.com
ALAMIN: 7 uri ng 'coronaviruses' na nakahahawa sa tao
Lingid sa kaalaman ng marami, may coronaviruses na mas karaniwang sipon (common cold) ang dulot, habang ilan lang dito ang lubhang nakamamatay.
AFP/Anthony Wallace

MANILA, Philippines — Kinatatakutan ngayon ng marami ang novel coronavirus (2019-nCoV), na kasalukuyang nakakaapekto sa 4,515 katao at pumatay sa 106 iba pa.

Pero lingid sa kaalaman ng marami, may coronaviruses na mas karaniwang sipon (common cold) ang dulot, habang ilan lang dito ang lubhang nakamamatay.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, malaking pamilya ng viruses ang coronavirus, na karaniwang nakakaapekto sa mga camel, baka, pusa at paniki.

"Sa mga bihirang pagkakataon, pwedeng lumipat ang animal coronaviruses sa mga tao at kumalat," dagdag ng CDC.

Narito ang pitong klase ng coronaviruses na pwedeng makahawa sa tao:

  • Human coronavirus 229E (HCoV-229E)
  • Human coronavirus OC43 (HCoV-OC43)
  • SARS-CoV
  • Human coronavirus NL63 (HCoV-NL63, New Haven coronavirus)
  • Human coronavirus HKU1
  • Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV)
  • Novel coronavirus (2019-nCoV)

HCoV-229E at HCoV-OC43

Kabilang ang dalawang strain na ito sa mga nagdudulot ng common cold, kasama ng iba pang mild respiratory symptoms.

Nasa 15% ng lahat ng nagkakaroon ng common colds ay idinudulot ng dalawang coronaviruses na ito, ayon sa mga librong "Microbiology: Application Based Approach" at "Goldman's Cecil Medicine, Expert Consult Premium Edition."

Para sa mga sanggol at immunocompromized persons (gaya ng mga taong may HIV-AIDS), maaaring mauwi sa mas malalang "lower respiratory tract infections" (LRTI) ang dalawang virus strains na ito.

Tumutukoy ang LRTI sa mga infections gaya ng pneumonia at bronchitis.

Mas madalas tamaan ng sakit na coryza ang mga may HCoV-229E habang mas madalas naman ang pananakit ng lalamunan sa mga tinamaan ng HCoV-OC43.

SARS

Ang severe acute respiratory syndrome (SARS) naman ay isang sakit na idinuduot ng coronavirus na kung tawagin ay SARS-associated coronavirus (SARS-CoV).

Sabi ng CDC, nasa 8,098 ang tinamaan nito sa pagitan ng Nobyembre 2002 hanggang Hulyo 2003, bagay na pumatay ng 774 katao batay sa datos ng World Health Organization.

Malimit na katambal nito ang sakit na pneumonia o respiratory distress syndrome at naikakalat sa malapit na "person-to-person contact."

Una itong nakita sa Asya noong Pebrero 2003, na labis na kumalat sa mahigit dalawang dosenang bansa sa North America, South America, Europe at Asia.

Simula noong 2004, wala nang ibang nakitang kaso ng SARS saanman sa mundo.

HCoV-NL63

Isang taong matapos ang SARS outbreak, una namang na-isolate mula sa isang pitong-buwang sanggol sa Holland ang HCoV-NL63, na noo'y dumaranas ng ilang respiratory symptoms.

Lumaganap din ito sa iba't ibang bansa, hanggang sa naging "worldwide distribution" na ito.

Madalas na bata at immunocommpromised ang tinatamaan ng HCoV-NL63, na kung hindi nagpapakita ng ubo, lagnat at rhinorrhoea ay nagpapakita naman ng mas seryosong bronchiolitis at croup.

Primaryang naoobserbahan ang sakit tuwing taglamig (winter season).

HCoV-HKU1

Unang nadiskubre ang virus na ito sa isang 71-anyos na lalaking kagagaling lang sa Shenzhen, China noong Enero 2004 na nakakitaan ng pneumonia.

Katulad ng iba pang coronaviruses, karaniwang makikita sa mga apektado ng HCoV-HKU1 ang mga upper respiratory infection.

Sa kabila nito, nakakakitaan din ng acute bronchiolitis at asthmatic exacerbation ang ilan sa kanila.

MERS-CoV

Ang Middle East Respiratory Syndrome (MERS) ay isang sakit na idinudulot naman ng virus na kung tawagin ay Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).

Lahat ng kaso ng MERS ay iniuugnay sa paglalakbay o pagtira sa mga bansang nasa o malapit sa Arabian Peninsula.

Karaniwang nakadarama ng sintomas ng lagnat, pag-ubo at maiiksing paghinga ang mga nagkakaroon ng MERS.

Ayon sa WHO, 858 na ang namamatay dahil sa MERS-CoV simula Setyembre 2012, habang 2,494 na ang kumpirmadong tinamaan nito. Naiulat na ang sakit sa 27 mga bansa.

2019-nCoV

Pinakabago sa lahat ng human coronaviruses, unang naalerto ang WHO sa noo'y hindi pa kilalang virus noong ika-31 ng Disyembre matapos ang sunud-sunod na kaso ng pneumonia sa Wuhan City, Hubei Province sa Tsina.

Ilan sa mga sintomas ng sakit ang lagnat, ubo at shortness of breath, sabi ng CDC.

Aniya, marami raw sa mga pasyente sa Wuhan ang may kaugnayan sa isang malaking seafood at animal market, na nagmumungkaing nahawa ang mga tao mula sa mga hayop.

Ilan sa mga nabanggit ay wala raw exposure sa mga nasabing palengke, dahilan upang ipakita na nagkakahawaan na ang tao sa tao.

 

 

Libu-libo na ang nahawaan ng sakit sa ngayon, habang lagpas isang daan na ang namamatay — lahat mula sa Tsina.

Sa labas ng mainland ng Tsina, kumpirmado na ang ilang kaso ng 2019-nCoV sa Hong Kong, Macau, Taiwan, Australia, Cambodia, Canada, France, Japan, Malaysia, Nepal, Singapore, Thailad, South Korea, United States at Vietnam.

Wala pa namang kumpirmadong kaso sa Pilipinas ngunit kasalukuyang iniimbestigahan ang 24 katao na pinaghihinalaang nahawa nito.

Para sa mga tips ng WHO upang hindi mahawaan ng nCoV, i-click ang link na ito.

2019-NCOV

CENTERS FOR DISEASE CONTROL AND PREVENTION

COMMON COLD

CORONAVIRUS

EXPLAINER

MERS-COV

SARS

WORLD HEALTH ORGANIZATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with