Foreign investments bababa
Sa pagbusisi sa water contracts
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Management Association of the Philippines na patuloy na bababa ang foreign direct investments (FDIs) sa bansa dahil sa pagrepaso ng pamahalaan sa mga kontrata ng water concessionaires na Manila Water at Maynilad.
Nakaaapekto ang ‘regulatory risk’ sa paghikayat ng bansa sa mga investor na hindi makabubuti sa ekonomiya, paliwanag ng MAP.
Sa ika-71 inaugural meeting ng MAP kamakailan, idiniin ng bagong pangulo ng grupo na si Francis Lim na ang hakbang ng gobyerno na repasuhin ang water concession agreements ay may epekto sa kasalukuyang pagtingin sa Filipinas bilang investment destination.
Batay sa Fitch Solutions, ang bansa ang may pinakamataas na ‘regulatory risk’ sa kasalukuyan dahil sa pagrebyu sa water contracts.
Ang FDIs ng bansa ay bumababa mula $10.3 billion noong 2017 at bumagsak sa $9.8 billion noong 2018. Inaasahang bubulusok pa ito sa $6.9 billion sa 2019.
Ang FDIs ng bansa ay maliit din umano kumpara sa ibang bansa sa Southeast Asia tulad ng Vietnam na may $20.4 billion at Indonesia na may $24 billion noong nakaraang taon.
Ang water concession deals ay binuo noon pang 1997 na tatagal hanggang 2022 at pinalawig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System hanggang 2037 noong 2009. Gayunman ay binawi ang extension ng concession agreement dahil sa umano’y ‘onerous’ provisions na nakapaloob dito.
- Latest