Disaster department pinamamadali
MANILA, Philippines — Hiniling ng ilang kongresista na sertipikahan ng Pangulo bilang urgent ang panukalang batas na magtatatag sa Department of Disaster Resilience (DDR) sa gitna ng pagputok ng bulkang Taal.
Bukod dito, umapela rin si Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., sa kanyang mga kasama sa kamara na madaliin ang deliberasyon sa panukalang DDR .
Iginiit pa ni Garbin na kabi-kabila na ang kalamidad na dumadaan sa bansa nitong mga nakaraang buwan subalit halos hindi gumagalaw ang deliberasyon sa panukala.
Sa ilalim ng panukala, ang DDR ang magiging pangunahing ahensiya ng gobyerno na siyang tutugon at magiging accountable, liable, mamahala at mag oorganisa para maiwasan o mabawasan ang disaster risk. Gayundin ang paghahanda at pagresponde sa kalamidad, recover, rehabilitate at pagsasaayos matapos ang pananalasa.
Nanawagan din si House Deputy Speaker at 1Pacman partylist Rep. Michael Romero na magsagawa ng special session ang kongreso para mabilis na maipasa ang panukalang DDR.
Bukod sa pagpasa ng DDR bill, layon din ng special session na magkaroon ng supplemental budget para sa risk reduction at relief efforts kasunod ng pagsabog ng bulkang Taal.
- Latest