16,000 pasahero stranded sa mga pantalan
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 16,000 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa buong bansa dahil sa bagyong Ursula.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Capt. Armand Balilo, may inihanda nang mga pagkain, tubig at matutulugan ang Department of Transportation sa mga stranded na pasahero.
“Ang mahirap dito iyong mga nakabiyahe na, tulad doon sa Matnog [Port], andoon na eh. Hindi naman nila na-anticipate na talagang mabilis iyong bagyo, akala nila makakatawid pa, talagang na-stranded sila,” pahayag ni Balilo.
Ani Balilo, magkukulang pa rin ang mga ito dahil sa dami ng pasahero. Inaalala ni Balilo ang hygiene, tutuluyan o matutulugan ng mga pasahero.
Nasa pantalan ng Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Southern Luzon, Northern Mindanao, Western Mindanao at Southern Visayas ang higit-kumulang 16,649 na pasahero na ayon sa pagtataya ng PCG ay nandoon na mula alas-4 pa ng umaga.
Pansamantala ring pinatigil ang operasyon ng 1,896 rolling cargo ships, 96 vessels at 15 motorbanca dahil sa sama ng panahon.
Samantala, inaasahang lalakas pa ang bagyong Ursula bago tumama sa kalupaan ngayong araw mamayang hapon o gabi, ayon sa PAGASA.
- Latest