Marawi siege ‘di na mauulit – AFP
MANILA, Philippines — Hindi na mangyayari muli sa Marawi City ang pag-atake ng teroristang Maute group noong taong 2017.
Ito ang ipinangako ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command (WestMinCom) spokesperson Lieutenant General Cirilito Sobejana.
Paliwanag ni Sobejana, hindi na mangyayari ulit ang pag-atake sa nasabing siyudad dahil nabawasan na ang lakas ng mga teroristang grupo.
Sa ngayon umano ay patuloy na nagtatago ang mga natitira pang miyembro ng Maute group at tinutugis na rin ito ng tropa ng gobyerno.
Bukod sa nasabing grupo ay patuloy din umanong tinutugis ang iba pang mga terrorist group tulad ng Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Jemaah Islamiyah.
Nilinaw pa ng opisyal na kahit na wala ng Martial Law, na matatapos na ngayong Disyembre 31 ay patuloy pa rin ang pakikialam nila sa mga teroristang grupo dahil sa Executive Order 70 kaya naka-focus pa rin sila sa paghabol sa mga ito.
Ayon pa kay Sobejana, 8 terorista ang kumpirmadong nasa bansa habang 60 ang patuloy pa nilang bina-validate.
Ang mga teroristang ito umano ay walang kakayahan na magsagawa ng atake tulad ng nangyari sa 2017 Marawi siege.
- Latest