Pasaporte ng Senior Citizens gagawing ‘lifetime’ ang validity
MANILA, Philippines — Isinulong ni Sen. Lito Lapid na gawing ‘unlimited’ o lifetime ang validity ng pasaporte ng mga senior citizens.
Sa Senate Bill 1197 ni Sen. Lapid na tatawaging “Lifetime Passports for Senior Citizens Act,” sinabi nito na pinapahalagahan ng gobyerno ang mga senior citizens na nakapag-ambag ng malaki sa kanilang pamilya at lipunan.
Patunay aniya nito ang mga batas na naipasa na at mga polisiya para sa kapakanan ng mga senior citizens na may sariling express lanes sa iba’t ibang establisimiyento.
Ang pangangalaga rin aniya sa mga senior citizens ay isang kaugalian na nakaukit na sa buhay ng pamilyang Filipino.
Layunin ng panukala ni Lapid na huwag nang pahirapan ang mga Filipino na may edad 60 pataas sa pagre-renew ng kanilang passports.
Kung magiging batas, maiiwasan aniya ng mga matatanda ang mabusising proseso at pila kapag nagpapa-renew ng pasaporte.
Magiging kapaki-pakinabang din ang panukala para sa mga senior citizens na ang bahay ay malayo sa siyudad na may mga DFA Consular offices.
- Latest