^

Bansa

9 iba pang inaresto sa welga vs Regent Foods Corp. lalabas na ng kulungan

James Relativo - Philstar.com
9 iba pang inaresto sa welga vs Regent Foods Corp. lalabas na ng kulungan
Sa bisa ng utos ng Pasig City Metropolitan Trial Court Branch 71, Lunes, sinabi ni Assisting Judge Emilio Gonzales III na agad silang dapat mapalabas ng kulungan maliban na lang kung mayroon pang ibang legal causes na magiging dahilan para mapanatili roon.
Defend Job Philippines

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng isang korte sa Lungsod ng Pasig ang paggawad ng kalayaan sa siyam na kataong nalalabing nakakulong mula sa 23 na inaresto sa isang welga noong ika-9 ng Nobyembre.

Sa bisa ng utos ng Pasig City Metropolitan Trial Court Branch 71, Lunes, sinabi ni Assisting Judge Emilio Gonzales III na agad silang dapat mapalabas ng kulungan maliban na lang kung mayroon pang ibang legal causes na magiging dahilan para mapanatili roon.

Matatandaang inireklamo ng "resistance and disobedience to an agent of a person in authority" ang mga nabanggit matapos magkagirian sa kalagitnaan ng dispersal ng strike.

"Considering that the accused... have been in detention since November 9, 2019 at the Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) in Nagpayong, Pina[g]buhatan, Pasig City, and pursuant to Section 5 of A.M. No. 12-11-12-SC and Section 16, Rules 114 of the Rules of Court, they are hereby immediately released from detention without prejudice to the continuation of the proceedings against them in this case."

Kabilang sa pinalalabas ng kulungan sina:

  • Crisanta Lagrisola
  • Gerardo Gaddi
  • Birulyn Visuyan
  • Enrico Ramos
  • Arnel Ocampo
  • Melanie dela Cruz
  • Basilio Cudiamat
  • Christopher Arañas
  • Karlo Levanta

Ika-16 ng Oktubre, 2019 nang itayo ng Regent Foods Workers Union ang kanilang piketlayn sa tapat ng kani-kanilang planta sa Pasig at Taguig City dahil sa diumano'y "unfair labor practices" at maniobra sa pagbuwag ng unyon ng Chinese-owned company, ayon sa Defend Job Philippines.

Maliban dito, kontraktwal pa rin daw ang ilan nilang mga manggagawa kahit na mahigit 20-taon na ang ilan sa kanila, maliban sa pisikal at verbal na "pang-aabuso" sa kanila.

'Di rin daw kinikilala ng korporasyon ang bagong pamunuan ng unyon at 'di ipinatutupad ang kanilang collective bargaining agreement.

Nitong Linggo, binasag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanyang katahimikan matapos bigong bawiin ng Regent ang kanilang reklamo sa 23.

Sa kanyang pakikipag-usap sa abogado ng kumpanya, sinabi raw kay Sotto na desidiso silang ituloy ang kaso, bagay na ikinadismaya ng alkalde.

"Mula sa simula, klinaro ko sa parehong panig: bilang lokal na pamahalaan, hindi kami makikialam sa labor issues dahil nasa kamay ito ng Department of Labor and Employment," sabi niya sa Inggles kahapon.

"Pero, kapag pinagkakaitan na ng kalayaan ang mga nasasakupan ko habang ipinaglalaban nila ang karapatan nila bilang manggagawa, 'di ako pwedeng manahimik at walang gawin."

Wika ni Sotto, 20 sa mga hinuli ay mga manggagawa, dalawa ang nagmula sa ibang organisasyon habang nadamay naman daw ang isang tricycle driver na nakikiusisa lang sa nagaganap.

Inihain ang reklamo ng pribadong security group na kinuha ng Regent para mag-disperse, ngunit umamin naman daw ang kumpanya na sila ang nasa likod ng kaso.

"Hindi kriminal ang mga taong ito; wala silang kagustuhan na saktan kayo," dagdag niya.

"Gusto lang nilang ilaban ang tingin nila ay nararapat."

'Di na kailangan ng piyansa

Ayon pa sa korte, hindi na kakailanganing magbayad ang sumusunod ng piyansa upang magawaran ng pansamantalang kalayaan.

Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagdinig ng sakdal sa mga nabanggit sa ika-22 ng Nobyembre, alas otso y media ng umaga.

Una nang naibalita na 12 sa mga nabanggit ang nakapaglagak na ng piyansa.

Kaninang umaga, ipinangako ng bagitong mayor na sisiguruhin niyang makalalabas ang nalalabing 11 na nananatiling nasa loob.

"[G]agawin ko ang lahat ng makakaya ko alinsunod sa aking kapangyarihan na muling makuha ng 23 ang kanilang kalayaan," wika ni Sotto kahapon.

Hindi pa naman malinaw kung magagawaran na rin ng kalayaan ang natitirang dalawa pang inaresto.

METROPOLITAN TRIAL COURT

PASIG CITY

REGENT FOODS CORPORATION

VICO SOTTO

WORKER'S RIGHTS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with