P18 singil ng BPI sa ATM cardholders ng ibang bangko itinulak
MANILA, Philippines — Nais itaas ng Bank of the Philippine Islands sa P18 ang sinisingil sa mga automated teller machine transactions ng non-BPI clients, ayon sa isang opisyal ng kumpanya, Martes.
"Magsa-submit ulit kami — P18 para pare-pareho kami ng iba. Dalawang malaking bangko na lang ang natitirang ['di inaaprubahan] — BDO (Unibank Inc.) at kami," sabi ni BPI chief digital officer Noel Santiago sa magkahalong Inggles at Filipino sa GMA News.
Kung maaaprubahan ng Bangko Sentral ng Pilipino, plano itong ipatupad ng BPI sa unang kapat ng 2020 ngayong nag-aadjust ng singilin ang iba pang mga bangko.
Ang panibagong aplikasyon ay mas mababa kaysa sa nauna nilang mungkahi na P20 kada transaksyon.
Una nang sinabi ng BSP na "mas mababa sa 10 bangko" ang humihiling sa kanila ng mas mataas na singil.
Limang bangko ang pinayagan ng central bank na magtaas ng ATM transaction fees noong Setyembre.
Noong Agosto, sinabi ni Vicente de Villa III, senior director at officer-in-charge ng Financial Technology Subsector ng BSP, kadalasang nasa P11 hanggang P15 ang interbank fees.
Ayon kay Santiago, hanggang ngayon ay hindi pa rin nagde-desisyon ang BSP tungkol sa kanilang naunang apela, kung kaya't nais nila itong ibaba.
"Sabi namin instead na maghintay, kami na mago-offer. Kung P18 lang din ‘yung sweet spot, P18, matapos na," wika niya.
Aniya, nakita nila na hanggang P18 lang ang inaaprubahan ng BSP kung kaya't payag na sila na hanggang doon na lang ang hingiin. — James Relativo at may mga ulat mula sa BusinessWorld
- Latest