^

Bansa

Mass transport crisis? Mga tren 'nag-improve pa nga,' sabi ng Palasyo

James Relativo - Philstar.com
Mass transport crisis? Mga tren 'nag-improve pa nga,' sabi ng Palasyo
Kuha ng sunog sa pagitan ng LRT-2 Katipunan at Anonas station noong nakaraang linggo.
RAHA Volunteers Fire Department

MANILA, Philippines — Pinalagan ng Malacañang ang paratang ng ilang militanteng grupo na dumadanas na ng "mass transportation crisis" ang Kamaynilaan bunsod ng sunod-sunod na pagkasira ng tren.

"Mukha namang wala pa. Wala. Kasi nga, nakakarating pa naman 'yung mga dapat makarating sa kanilang dapat papuntahan," paliwanag ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing ngayong Martes.

"Ano bang ibig sabihin nila sa transporation crisis? Ang nakikita ko lang traffic."

Lunes nang sabihin ng Bagong Alyansang Makabayan na krisis na ang kinakaharap ng bansa lalo na't pare-parehong nasira ang mga mayor na linya ng tren sa Metro Manila noong nakaraang linggo, gaya ng LRT-1, LRT-2 at MRT-2.

"Meron tayong krisis sa mass transport dahil napakakaonti ng tran na magdadala ng mga pasahero patungo sa trabaho at eskwela," banggit ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr. kahapon sa Inggles.

"Hindi pa ba ito [iimbestigahan] ng Senado? Kamusta ang budget ng mga ahensya?"

Ika-2 ng Oktubre nang tumigil ang MRT-3 at LRT-2 dulot ng problema sa kuryente at iba pang problemang teknikal.

Nang sumunod na araw, ika-3 ng Oktubre, nakasunog naman sa pagitan ng Anonas at Katipunan station ng LRT-2 matapos mapatid ang rectifier substation 5 nito.

Isinara rin ang Balintawak at Roosevelt stations ng LRT-1 sa parehong araw matapos dumanas ng "mechanical issues."

'Nag-improve nga eh'

Imbes na sumang-ayon kay Reyes, sinabi ni Panelo na mas gumanda pa nga ang serbisyo ng pampublikong transportasyon sa kasalukuyang panahon.

"[N]oon, halos araw-araw nagbu-bug-down [ang mga tren]. Ngayon daw, once a week na lang. So malaki daw improvement," ayon sa tagapagsalita ng presidente.

"Aba eh, kung araw-araw tapos ngayon once a week, oh 'di malaki nga ang improvement."

Sa kabila nito, aminado naman si Panelo na dapat paghusayin ng LRT-2 ang kanilang mga serbisyo: "Hindi naman pe-pwedeng forever tayo ganito."

Ilan sa mga netizens mula sa silangang bahagi ng Greater Manila Area kasi ang nagrereklamo na inaabot na sila ng anim hanggang pitong oras para lang makaabot sa paroroonan sa Kamaynilaan.

Ipinagtataka rin ni Panelo kung bakit tila hirap na hirap ang LRT-2 management sa pagkuha ng mga piyesa para sa kinukumpuning linya.

Una nang sinabi ng Light Rail Transit Authority na hindi pa nila nasisimulang ayusin ang mga napinsala ng sunog sa LRT-2, lalo na't bibilhin pa nila sa ibang bansa ang parts.

"'Yung mga spare parts na kailangan, kukunin pa natin sa ibayong dagat. Manggagaling pa sa United Kingdom, France at Japan," ayon kay LRTA spokesperson Hernando Cabrera sa panayam ng ANC.

Nagsisilbi ang LRT-2 sa 183,598 komyuter araw-araw noong Agosto 2019, ayon sa datos na inilabas sa pamamagitan ng electronic freedom of information.

Noong 2014, sinabi naman ng Department of Transportation na umaabot sa 460,713 ang sumasakay sa MRT-3 araw-araw.

Umaabot naman sa 443,000 ang arawang sumasakay sa LRT-1 sa unang kwarto ng 2017, ayon sa Light Rail Manila Corporation.

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

MASS RAILWAY SYSTEM

RENATO REYES

SALVADOR PANELO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with