Sanchez ‘di magbabayad ng P12.6 milyong danyos sa pamilya Sarmenta, Gomez
MANILA, Philippines – Nanindigan ang asawa ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na walang kasalanan ang kanyang asawa kaya hindi nila babayaran ang P12,671,900 civil damages na inutos ng korte.
Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights si Mrs. Elvira Sanchez kung saan inungkat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang hindi pagbabayad sa pamilya ng mga biktimang sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
“Paulit-ulit po naming sinasabi, bakit kami magbabayad wala naman pong kasalanan ang aking asawa,” wika niya.
Sinabi ni Drilon na ang Korte Suprema na ang nagsabi na may kasalanan si Sanchez at tinanggap ng sambayanan ang desisyon.
Pero sinabi pa ni Mrs. Sanchez na kasama ng kanilang anak ang kanyang asawa noong araw na ginahasa at pinatay si Sarmenta at pinaslang si Gomez.
Kaugnay nito, iginiit ni Drilon kay Department of Justice Menardo Guevarra na tingnan kung ano ang magagawa para mapagbayad ng danyos ang pamilya ni Sanchez.
Iginiit din ni Drilon na dapat maghain ng “writ of execution” upang mabayaran ang pamilya nina Sarmenta at Gomez gamit ang ari-arian o properties ni Sanchez.
- Latest