‘Panelo walang kinalaman’ – DOJ
Sa paglaya ng convicted rapist at murderer na dating mayor
MANILA, Philippines — Tila agad ipinagtanggol ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Presidential Spokesperson Salvador Panelo nang sabihin niya na wala itong kinalaman o sinuman sa nakatakdang pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ang pahayag ng kalihim ay kaugnay sa pangamba ng ilan na maaaring may kinalaman si Panelo sa pagpapalaya kay Sanchez.
Matatandaan na si Panelo ay isa sa mga counsel ni Sanchez na convicted rapist at murderer sa kaso ng pagpatay sa UP Los Baños student na si Eileen Sarmenta at kasama nitong si Allan Gomez noong 1993.
Ayon kay Guevarra, ang Bureau of Corrections ang nagre-recompute sa good conduct time allowance o GCTA ni Sanchez.
Paliwanag ni Guevarra, mapapalaya si Sanchez dahil nasakop ito ng 2013 law na nagtataas sa GCTA at ruling ng Korte Suprema sa “retroactivity” ng GCTA na inilabas noong Hunyo, para sa persons deprived of liberty o PDL.
Ani Guevarra, nagkataon lamang na isa si Sanchez sa mga makikinabang sa pagpapatupad ng batas.
Dagdag pa ni Guevarra, ang proseso ng pagpapalaya sa mga PDL ay alinsunod sa itinaas na GCTA na ginagawa sa pamamagitan ng “first in, first out basis” na nagsimula sa mga kaso mula 1993.
Ayon kay Guevarra, base kay Bucor Director General Nicanor Faeldon na nasa dalawang daan PDLs ang maaaring makalaya kada araw.
Sinabi pa ni Guevarra, hindi na rin kailangan ang approval ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapalaya si Sanchez at may 11,000 preso dahil sa kanilang GCTA.
Nahatulan ng 7 term ng reclusion Perpetua si Sanchez noong 1995 ng korte. Rudy Andal
- Latest