Mayorya ng mga Pinoy satisfied sa resulta ng May 2019 elections

MANILA, Philippines — Mayorya ng mga Filipino ang kuntento sa pamamaraan at naging resulta ng May 2019 elections base sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa survey, 80 porsiyento ng mga Filipino ay “satisfied” samantalang 12 porsiyento lamang ang dissatisfied at 7 porsiyento ang walang desisyon o “undecided.”
Sa kaparehong survey, lumabas na 79 porsiyento ang sang-ayon na ang Commission on Elections (Comelec) ay naging “independent” at walang pinaborang kandidato o grupo.
Samantala, 10 porsiyento ng na-survey ay hindi sumasang-ayon na naging independent ang Comelec at 11 porsiyento ang “undecided.”
Lumabas din na 86 porsiyento ng mga na-survey ay naniniwalang “believable” ang resulta ng May 2019 elections para sa mga senador.
“Believable” rin para sa mayorya ng mga respondents ang resulta ng eleksiyon para sa mga miyembro ng House of Representatives (88%), governors (84%) at mayors (89%).
Isinagawa ang survey mula Hunyo 22 hanggang 26 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults sa buong bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na base sa lumabas na resulta ng survey, dapat ng isantabi ang mga haka-haka at pagdududa sa nakaraang halalan.
Iginiit din ng Palasyo na dapat ay “fraud-free” ang technology provider para sa 2022 presidential elections.
- Latest




















