'Never' naging bastos ang presidente — Panelo
MANILA, Philippines — Sa kabila ng sari-saring kontrobersyal na pahayag sa kababaihan, iginiit ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi kailanman naging bastos ang Pangulong Rodrigo Duterte kaninuman.
"He never was bastos. When he cracks jokes, it was intended to make people laugh. Never to offend," ani Panelo.
(Hindi siya naging bastos kailanman. Kapag nagbibiro siya, ang intensyon noon ay magpatawa. Hindi mambastos.)
Ito ang sinabi ni Panelo matapos isapubliko noong Lunes ang paglagda ni Duterte sa "Safe Streets and Public Spaces Act" o "Bawal Bastos Law" noong ika-17 ng Abril.
Pinatitindi ng batas ang parusa sa mga magsasagawa ng mga hindi kanais-nais na kalaswaan sa mga kababaihan, lesbyana, bakla, bisexual at transgender.
Ilan dito ang paninipol sa kalye, pagmamanman, panghihipo, sexist remarks, pagbabahagi ng mga pribadong video nang walang pahintulot, atbp.
Maaaring makulong ng hanggang anim na taon at multang P500,000 ang mga lalabag dito.
'Patunayan muna'
"Never siyang nambastos ng isang partikular na tao. Kaya it does not apply to him," giit ni Panelo.
"[Y]ou have to prove that you are the subject of the offensive demeanor of the offender."
(Kailangan mong patunayan na ikaw ang pinatutungkulan ng bastos na gawi.)
Nang tanungin kung paglabag sa "Bawal Bastos Law" ang banta ni Duterte na ilalabas ang diumano'y sex video ni Sen. Leila de Lima, ito ang kanyang sinabi: "I don't think that's a crime (Tingin ko hindi 'yan krimen)."
Taong 2017 nang nagbiro si Duterte na ipanunuod niya kay Pope Francis ang diumano'y malaswang video ng nakapiit na senadora.
"Hanapan mo nga ako ng video ng ano, pakita ko kay Pope. Baka magtingin pa si Pope, baka umalis pa sa pagka-Pope yan... Libog 'yan," sabi ni Digong sa isang anti-corruption summit sa Pasay City.
Bagama't hindi niya binanggit ang pangalan ni De Lima, tinukoy niya ang isang "hambog" na binigyan ng rosaryo ng Santo Papa.
Una nang naiulat na pinadalhan ng rosaryo ni Pope Francis si De Lima sa pamamagitan ng Papal Nuncio.
Ikinatuwa ni De Lima ang pagkakabasa ng Bawal Bastos Law, gayunpaman, sinabi niya na tila hindi pa sapat ang parusang itinatakda nito kung ilalapat sa pangulo.
"Kung iipunin lang naman lahat ng pambabastos sa kababaihan na sinambit at ginawa ni Duterte mula noong maupo siya sa Malacañang, kulang na kulang 'yang parusa na 'yan," sabi niya ngayong Martes.
"Baka nga kulang pa ang parusang reclusion perpetua (pagkakulong ng hanggang 40 taon) para sa kanya."
Pwedeng magkaso vs. Duterte
Sa kabila ng pagdepensa ni Panelo, tiniyak naman niya sa publiko na hindi nakaiibabaw sa batas ang presidente.
Aniya, pwede naman daw sampahan ng kaso ang presidente oras na mapatunayang lumabag siya.
"If the president commits any violation of any law, then any person can sue him for that violation," paniniguro ng tagapagsalita.
(Kung lumabag si presidente sa batas, pwede siyang kasuhan ng sinuman para sa paglabag na 'yan.)
Kahit na may presidential immunity si Duterte sa mga kaso habang nakaupong pangulo ay maaari naman daw ihain ang reklamo oras na bumaba siya sa pwesto.
"No one is above the law, including this president and he always tells us that."
Ilang beses nang nabatikos ng mga grupo si Digong dahil sa kanyang mga diumano'y insensitibong pahayag tungkol sa mga kababaihan sa kanyang mga talumpati.
Taong 2018 nang biglang halikan sa entablado ni Duterte ang isang Pinay na may asawa na habang tinatagpo ang Filipino community sa South Korea.
Taong 2016 naman nang sabihin ni Duterte na sana'y siya ang "nauna" sa isang Australyanang hinalay noong siya'y mayor pa ng Davao City.
Ayon sa grupong Gabriela, mahihirapanG ipatupad ang batas gayong si Duterte raw mismo ang pasimuno ng pangmamaliit at pag-oobjectify sa kababaihan.
- Latest