Pamilyang tinitignan ang sariling mahirap 'record low,' sabi ng SWS
MANILA, Philippines — Lumalabas na 38% o 9.5 milyon ng mga pamilyang Pilipino ang tinitignang mahirap sila sa unang kwarto ng 2019, sabi ng Social Weather Stations kagabi.
Ito'y apat na puntos na mas mababa sa dating record-low na 42% noong Setyembre 2016 at Marso 2018.
"The new record-low Self-Rated Poverty score is a continuing recovery from the 10-point rise within the first three quarters of 2018," sabi ng SWS.
(Ang bagong record-low ay bahagi ng pagbawi mula sa 10-puntong pag-akyat sa unang tatlong kwarto ng 2018).
Pinakamababa rin sa kasaysayan ang mga itinuturing ang sariling pangmahirap ang kinakain o "food poor" sa 27%.
Mas mababa ito ng dalawang puntos mula sa dating record-low na 29%.
Ginamit bilang self-poverty threshold ang P10,000 o ang buwanang kita na kailangan para hindi matawag na mahirap ang sarili.
Isinagawa ang pag-aaral mula ika-28 hanggang ika-31 ng Marso 2019 gamit ang harapang panayam sa 1,440 katao.
Kumuha ng 360 respondents mula Balance Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao.
15.3% pamilya 'umahon sa kahirapan'
Sa mga pamilyang hindi ipinapalagay ang sarili bilang mahirap (62%), lumalabas na 15% sa kanila ang mahirap isa hanggang apat na taon pa lang ang nakalilipas.
Lumalabas naman sa pag-aaral na 20% sa kanila ay mahirap limang taon pataas ang nakalilipas.
Bumaba sa lahat ng lugar
Nakitang bumaba ang self-rated poverty sa lahat ng lugar ng bansa, at record-low din sa Mindanao.
Ngayong Marso 2019, umani ng 35% sa Balance Luzon, 28% sa Metro Manila, 55% naman sa Visayas at 37% naman sa Mindanao.
Mas mababa ng isang puntos ang nakuha ng Mindanao sa dati nitong all-time low na 38%.
Bumaba rin ang food poverty sa lahat ng lugar, kung saan record-low sa Mindanao at Balance Luzon.
- Latest