P3.2M isda na ginamitan ng dinamita nasabat
MANILA, Philippines — Nasabat ng pinagsanib na mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang isang cargo vessel na may sakay na P3.2 milyong isda kabilang ang endangered species na kinuha sa karagatang sakop ng Linapacan, Palawan.
Ang M/V Alejandra ay umalis sa Palawan noong Mayo 19, 2019 na patungo sa Delpan Wharf nang masabat ng PCG at BFAR noong Mayo 20, at ineskortan patungong Delpan Wharf mula sa Cavite.
Sa cooler boxes ng isda, 79 dito ang natukoy na ginamitan ng dinamita habang ang iba ay naglalaman ng mga pating at page (stingrays at sharks) at ang isdang mameng na kabilang umano sa endangered species.
Ilan naman sa cooler box ng isda ay hindi umano kabilang sa iligal na panghuhuli kaya itinurn-over sa consignees habang ang mga ginamitan ng dinamita ay ipinamigay sa charitable institutions upang pakinabangan.
Patuloy pang iniimbestigahan ang kapitan ng barko at mga crew para matukoy kung sino ang responsable sa panghuhuli at pagpapabiyahe ng mga kinumpiskang endangered species, na sinasabing ikinukubli sa pamamagitan ng pagtatanggal ng ulo at palikpik upang hindi umano mahalata kung anong klase ng isda.
Hindi naman umano fishing vessel ang naharang kundi cargo vessel.
- Latest