Imee Marcos sa bashers: Huwag na kayong matakot sa akin
MANILA, Philippines — Tila "mapagpatawad" ang tono ni Senator-elect Imee Marcos sa harap ng press nang tanungin kung pruweba bang walang sala sa kasaysayan ang kanilang pamilya dahil sa kanyang pagkakapanalo.
Nakatakdang maluklok sa kanyang unang termino sa Senado ang Ilocos Norte governor at anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
"Alam ninyo, napakadami na ng pinagdaanan namin. Hindi na namin inaalala 'yung vindication," wika ni Marcos.
Binabatikos ang kanilang pamilya patungkol sa pagtatanggol sa "legacy" ng batas militar at sa pakikinabang sa nakaw na yaman.
Taong 2013 nang maipasa ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013, na magbibigay ng danyos sa mga biktima ng karapatang pantao sa ilalim ni dating presidente Marcos — pondong kinuha mula sa P10-bilyon Swiss bank deposits ng mga Marcos at interes nito na inilipat ng Swiss Federal Court ruling sa Pilipinas.
Pinirmahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang joint resolution noong ika-22 ng Pebrero para patagalin ang pondo para sa mga human rights victims.
Noong 2018, sinabi rin ng Sandiganbayan na guilty sa pitong counts ng graft ang kanyang ina na si dating first lady Imelda Marcos.
"So lahat lahat ng mga basher, mga hater, huwag na kayong matakot sa akin. Hindi naman ako mapaghiganti."
Uupo sa Senado si Imee matapos magsilbi doon ng kanyang kapatid na si Bongbong noong 16th Congress.
Marcos magbabalik sa Palasyo?
Ayaw pa namang magkomento ni Marcos kung may posibilidad na makabalik ng Malacañang ang kanyang pamilya.
"Parang napakalayo pa noon. Nagre-recover pa ako sa 2019 at hilo pa kami sa 2016," dagdag niya.
Imbis na makasira sa kanyang kampanya, sinabi ni Imee na nakatulong pa sa kanya ang kanilang pangalan kung kaya't nanalo.
Aniya, patunay lang daw ito na solido pa rin ang suporta sa kanya ng mga loyalista ng ama.
"Yung tinatawag na Marcos footprint, obvious. The solid north is alive and well."
'Kahit saang mapadpad na komite'
Oras na magsimula sa kanyang panunungkulan sa ika-30 ng Hunyo, nagparinig naman siya kung saang komite niya gustong mapabilang.
"Ako, gusto ko ang social welfare. Gusto ko rin 'yung kwan, 'yung trade and industry dahil sa mga presyo," sabi ni Marcos.
Maliban dito, gusto rin daw niyang tumutok sa sektor ng agrikultura sa pakikipagtulungan ni Sen. Cynthia Villar.
"Ang dami eh. Maski saan ako mapadpad, okey lang. Trabaho lang 'yan."
Matatandaang kumaharap sa kontrobersiya si Marcos matapos niya diumanong magsinungaling patungkol sa kanyang tinapos na kurso sa UP College of Law at Princeton University.
- Latest