^

Bansa

Paglaki ng utang ng 'Pinas 'pinakamabilis sa 9 na taon' — research group

James Relativo - Philstar.com
Paglaki ng utang ng 'Pinas 'pinakamabilis sa 9 na taon' — research group
"Ang paglobong ito ay dulot na rin ng sentral na programa ng pamahalaan para sa imprastruktura na nakadepende sa pangungutang," dagdag ni Salamanca.
File

MANILA, Philippines — Sa paglobo ng utang ng Pilipinas sa P7.8 trilyon nitong Marso, lalong bumilis ang pagtaas ng utang ng Pilipinas ngayong taon, ayon sa isang economic think tank.

Sa inilabas na datos ng IBON Foundation, lumalabas sa 13.4% ang debt growth rate ng Pilipinas, Marso ngayong 2019.

Nitong Lunes, matatandaang iniulat ng Bureau of Treasury na nadagdagan ng P350 bilyon ang utang ng Pilipinas nitong Marso, na mas mataas ng 4.7% kumpara noong Pebrero 2019 (P7.5 trilyon).

"Pinakamabilis sa nakalipas na siyam na taon ang 13.4% na tantos ng pagtaas ng utang ng pamahalaan mula noong Marso 2018 tungong Marso 2019," wika ni Casey Salamanca ng IBON Research sa panayam ng PSN.

Kung titilad-tilarin, sinasabing nasa P5.2 trilyon ang utang panloob ng gobyerno noong Marso — mas mataas ng P298.64 bilyon kumpara sa naunang buwan.

Aabot naman sa P2.61 trilyon ang kinakailangang bayaran ng Pilipinas mula sa utang galing ibang bansa, na nadagdagan ng P52.1 bilyon kumpara sa lebel noong Pebrero.

Dahil dito, merong P77,265 utang ang bawat Pilipino (101 milyong populasyon).

Mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte, sinasabing tuloy-tuloy ang pagtaas ng debt growth rate: 4.9% noong Marso 2017, 11.1% noong Marso 2018 at 13.4% noong Marso 2019. 

"Ang paglobong ito ay dulot na rin ng sentral na programa ng pamahalaan para sa imprastruktura na nakadepende sa pangungutang," dagdag ni Salamanca.

Tinutukoy niya ang programang "Build, Build, Build" ng administrasyong Duterte, na popondohan ng mga utang galing sa Official Development Assistance ng iba't ibang bansa at institusyon. 

Ayon sa listahang inilabas ng Department of Finance, narito ang mga infrastructure projects na popondohan ng mga utang:

  • Chico River Pump Irrigation Project - $62.09 milyon (Tsina)
  • New Centennial Water Source — Kaliwa Dam - $211.21 milyon (Tsina)
  • Improvement of Remaining Sections along Pasig River from Delpan Bridge to Napindan Channel 3 - $143.24 milyon (Japan)
  • Cavite Industrial Area Flood Risk Management Project - $140.19 milyon (Japan)
  • 5 Metro Manila Subway Project - Phase 1 - $985.30 milyon (Japan)
  • North South Commuter Railway Extension Project - $143.24 (Japan)
  • Panguil Bay Bridge Project - $100.13 milyon (South Korea)
  • New Cebu International Container Port - $172.64 (South Korea)
  • Metro Manila BRT - Line 1 (Quezon Avenue) - $40.70 milyon (International Bank for Reconstruction and Development); $23.90 milyon (Clean Technology Fund)

Pero kaiba sa sinabi ng IBON, iniugnay naman ng treasury bureau ang paglobo ng utang nitong Marso sa "currency adjustments" at paglabas ng bagong debt papers.

"For the month, the increment in the level of domestic debt was caused by the net issuance of government securities amounting to P298.21 billion and the P0.43 billion revaluation of onshore dollar bonds brought about by peso depreciation," paliwanag ng BTr.

"The higher external debt for the month was principally due to the impact of local currency fluctuation against the US dollar amounting to P42.42 billion and net availment of foreign loans amounting to P11.00 billion."

Sa kabila nito, sinabi ng DOF na pabor sa Pilipinas ang mga kinuhang ODA loans.

"The terms of the ODA are negotiated very much with the Philippines side’s interest in mind," pagtitiyak ni Tony Lambino, assistant secretary ng DOF, sa isang press briefing noong Enero.

Dagdag niya, kailangan ito dahil malaki ang maitutulong nito sa paglago ng pamumuhunan sa Pilipinas.

"Ang kakulangan sa imprastraktura ang isa sa pinakamahalagang pangangailangan natin upang makahikayat ng mga investors sa bansa." — Ian Nicolas Cigaral

BUREAU OF TREASURY

DEBT

DEPARTMENT OF FINANCE

IBON FOUNDATION

LOAN

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with