Palasyo may pasabog vs Bikoy!
MANILA, Philippines — May ‘bombang’ pasasabugin ang Malacañang laban kay alyas Bikoy at mga taong nasa likod nito, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Mayroong—hindi ko lang muna pupuwedeng sabihin, but mayroong nakikita iyong mga nag-iimbestiga na could be a bombshell from the way I looked at it,” sabi ni Panelo.
Sinabi ni Panelo na walang kredibilidad at sirang-sira ang pagkatao ni Peter Joemer Advincula na nagpakilalang Bikoy dahil sa pagiging convicted nito sa large-scale illegal recruitment at mga pending na estafa charges.
Ayon kay Panelo, bagsak ang kredibilidad ni Bikoy dahil sablay ang sinasabi nitong may tattoo na dragon sa likod si dating Special Assistant to the President Bong Go na simbolo ng pagiging konektado sa international drug syndicate.
Ang mga idinadamay din ni Advincula na Rural Bank of Guinobatan gayundin ang Misibis Bay resort ay pinabulaanan na ang mga akusasyon ni alyas Bikoy.
May hinihintay na lamang si Panelo na mga dokumento at kapag nakuha na niya ito ay pasasabugin na niya ang ‘bomba’ laban kay Bikoy at ang mga nasa likod nito.
Una ng sinabi ni Panelo na naniniwala ang Palasyo na hindi nag-iisa si Bikoy bagkus ay mayroong nasa likod nito sa paggawa ng “Totoong Narcolist” video na ang tunay na layunin ay wasakin ang imahe ni senatorial candidate Bong Go at pamilya ni Pangulong Duterte na pilit inuugnay sa illegal drug trade ng bansa.
- Latest