Balotang gagamitin sa May 13 polls dumating na
MANILA, Philippines — Walong araw bago ang eleksiyon, dumating na kahapon ng madaling araw sa Manila City Hall compound ang opisyal na mga balotang gagamitin sa halalan sa Mayo 13.
Subalit kapansin-pansin ang sirang sticker at seal ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kahon. Isa sa 12 plastic seal na mayroong bar code na nakadikit sa mga lock ng trak ay sira rin.
Ilang representative ng mga kandidato na nasa lugar upang saksihan ang pagdating ng mga balota ay napansin ding sira ang mga selyo ng ilang mga balota.
Ayon kay Josephine Daza, officer-in-charge ng Manila City Treasurer’s Office, ang kaniyang opisina ang inatasan ng Comelec na tumanggap ng mga balota at magtago sa mga ito bago ipakalat sa mga polling precinct.
Sinabi ni Daza na agad nilang ipinaalam ang isyu sa Comelec nang buksan ang mga truck.
Nasa 1,502 kahon ani Daza ang kanilang natanggap para sa 1,502 precincts.
Ang bawat kahon ay mayroong label na naglalaman ng ID, cluster precinct number, munisipalidad, probinsiya, at rehiyon kung saan ito gagamitin.
Ilang mga personnel mula sa Manila City Treasurer’s Office ang nagtulong-tulong upang mailagay ang mga balota sa dalawang silid sa kanilang opisina.
Ang mga bintana, cabinet at pintuan ng opisina ay nilagyan ng lock at selyo na pirmado ng mga representante ng kandidato.
Ilang pulis din ang ipinakalat sa lugar upang magbigay ng seguridad sa pagde-deliver ng balota na tumagal ng anim na oras.
- Latest