20 beses na lindol kada araw normal – Phivolcs
MANILA, Philippines — Normal lamang sa Pilipinas na makapagtala ng ?may 20 beses na paglindol sa isang araw.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum, karaniwan na halos ?may 20 beses na paglindol sa iba’t ibang lugar sa bansa sa kada araw na kung minsan ay nararamdaman ng mga tao at ang iba naman ay hindi malakas o hindi nararamdaman.
Sinabi ni Solidum na ang malalakas na paglindol gaya noong Lunes na magnitude 6.1 lindol sa Luzon na sinundan ng 6.5 magnitude sa Eastern Samar sa Visayas at 5.9 lindol naman sa Davao Oriental ay bunga ng paggalaw ng iba’t ibang fault at wala ang mga itong ugnayan sa isat isa.
Kahapon ay ?may 21 lindol ang naitala ng Phivolcs sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pinakamalakas na naitala kahapon ay ang 4.2 magnitude sa Sarangani, Davao Occidental.
May aftershocks din naitala kahapon ang Phivolcs sa naganap na 6.1 lindol noong Lunes.
Patuloy na pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na laging maging handa at alerto dahil walang sinuman ang makapagsasabi kung kailan at saan magkakaroon ng lindol sa ating bansa.
- Latest