Pakikialam ng US solons inalmahan
MANILA, Philippines — Inihain na kahapon nina Senate President Tito Sotto, Senators Panfilo Lacson at Gregorio Honasan ang isang resolusyon na bumabatikos sa ilang miyembro ng United States Congress dahil sa pakikialam sa judicial process ng bansa.
Binatikos din ng tatlong senador sa Senate Resolution 1037 ang proposed resolutions 233 at 142 ng US Congress dahil malinaw umano itong pakikialam sa soberenya ng Republika ng Pilipinas.
Hinikayat sa resolusyong inihain sa US Congress ang pagpapalaya kay Sen. Leila de Lima at binanggit din ang panggigipit umano ng gobyerno kay Maria Ressa ng Rappler.
Sinabi ni Lacson na hindi na kolonya ng Amerika ang Pilipinas kaya hindi nito dapat pinakikialaman ang judicial system ng bansa.
Ayon pa kay Lacson, “incidental” lamang ang isyu nina de Lima at Ressa sa resolusyon at karapatan nilang magkaroon ng hustisya pero dapat ipunto na walang lugar ang “supremacism” sa isang sibilisadong bansa kahit pa ano ang lahi, kulay at estado ng kapangyarihan at kayamanan.
Dagdag ni Lacson na may sariling Konstitusyon ang Pilipinas kung saan nakasulat na may tatlong magkakapantay na sangay ang gobyerno at isang judicial system kung saan sinusunod ang due process kahit pa gaaano ito kahina.
- Latest