De kalidad na sports complex huhubog sa Pinoy athletes – Abono Partylist solon
MANILA, Philippines — Malaki na ang tiyansa ng mga Pinoy athletes na manalo sa mga kompetisyon sa larangan ng sports matapos na lagdaan ni Pangulong Duterte ang batas para magtayo ng mga de kalidad na scientific sports complex na tatawaging Philippine Sports Training Center (PSTC).
Ayon kay Abono Partylist Rep. Conrado Estrella III, chairman ng House Committee on Youth and Sports Development, importanteng naisabatas na ang pagtatayo ng nasabing bagong sports center dahil ang huling konstruksiyon nito ay noon pang 1934 kung saan ito ang Rizal Sports Coliseum.
Si Estrella din ang nagsusog para maipasa sa kongreso hanggang malagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11214 - Act Establishing Philippine Sports Training Center.
Sinabi pa ni Estrella na ang bagong Sports Center na ito ang huhubog at magpapatatag sa kakayanan at talento ng mga atletang Pinoy.
Ang batas na ito ay magbibigay kapangyarihan upang maitayo ang de kalidad na sports center sa loob ng 18 months sa isang lugar na magiging komportable sa lahat ng athletes, coaches at referees.
Ang Sports Center na itatayo ay binigyan ng pondong 3.5 bilyong piso sa ilalim ng Philippine Sports Commission.
“This law, in effect, will help in preventing Filipino youth from engaging in drug addiction, complementing the President’s anti-drug campaign,” ani Estrella.
Nagpasalamat naman si Estrella sa mga members ng House Committee on Youth and Sports Development, lalo na kay Speaker Gloria Macapagal Arroyo para mabuo at maging batas ang PSTC.
Maging sina Senate Pres. Vicente Sotto at Sen. Sonny Angara at Sen. Manny Pacquiao na chairman ng Senate committee on sports ay pinasalamatan din ni Estrella dahil sa pagsuporta nito.
- Latest