'We are losing the race' — UN chief sa climate change
MANILA, Philippines — Nagbabala ang hepe ng United Nations na si Antonio Guterres na magagapi ng climate change ang sangkatauhan kung hindi magpapatupad ng mas mahigpit na paninindigan sa Paris accord ang mga bansa.
""Climate change is the defining issue of our time. We are losing the race," sabi niya sa World Economic Forum sa Davos ngayong Huwebes.
Aniya, mahalagang mabaliktad ang trend ng patuloy na pag-init ng mundo.
Sinabi ni Guterres na hindi siya umaasang masosolusyunan ito ng mga bansa ngunit iginiit na ito ang pinakamahalagang prayoridad ng panahon.
Matatandaang umalis ang Estados Unidos sa Paris accord sa ilalim ng pamumuno ni US President Donald Trump.
Ito rin ang naging banta noon ng konserbatibong presidente ng Brazil na si Jair Bolsonaro.
Ang Paris accord (kilala rin bilang Paris Agreement) ay kaisahan sa loob ng United Nations Framework Convention on Climate Change na tumatalakay sa pagbabawas ng greenhouse gas emissions, adaptation at finance simula 2020.
Sinabi ng UN secretary-general na hindi na sapat ang mga pangakong ginawa ng mga bansa noon sa Paris accord.
"If what we agreed in Paris would be materialised, the temperature would rise more than 3.0 degrees (Celsius)," sabi ni Guterres sa Facebook Live broadcast mula sa Davos.
Sabi niya, kinakailangan ang mas matinding commitment ng mga bansa upang sugpuin ang climate change, umangkop dito at mabigyan ng tulong pinansyal ang mga mas mahihirap na bansa.
Ayon sa scienific journal na Proceedings of the National Academy of Sciences noong Agosto 2018, nanganganib ang mundo na mapunta sa pagiging "hothouse Earth."
Sa ilalim ng isang hothouse state, posibleng tumaas ng 10 hanggang 60 metro ang sea levels, o 4-5 °C na mas mainit sa preindustrial temperatures.
Sa artikulo, sinabi ng grupo ng mga siyentista na maaaring magtuloy-tuloy ang pag-init ng mundo oras na tumulay ang temperature sa isang "threshold."
Bagama't hindi pa alam kung ano ang threshold na ito, sinabi ng mga researchers na posibleng 2 °C lang itong mas mainit sa preindustrial levels.
Ito rin ang pinagkaisahan noon sa Paris accord noong 2016 kung saan nilagdaan ng 179 bansa.
Target ng accord na mapanatiling mas mababa sa 2 °C ang global temperature rise kumpara sa preindustrial levels sa huling siglo. — James Relativo
- Latest