ER ng ospital sa Tondo isinara sa pangamba ng Meningococcemia
MANILA, Philippines — Pansamantalang isinara ang emergency room ng Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Tondo, Maynila dahil sa pinaghihinalaang kaso ng meningococcemia.
Ayon kay Dr. Rolan Mendiola, Senior House Officer sa naturang ospital, hinihintay pa nila ang test results na magkukumpirma kung ito nga ang sakit ang 55-anyos na pasyente.
"Yung mga confirmation naman sa test, hinihintay po natin yun. Kaya lang usually, ang blood culture for confirmation medyo matagal," sabi ni Mendiola sa isang panayam.
Aabutin daw ng limang araw bago malaman kung meningococcemia nga ang sakit ng biktima.
WATCH: Dr. Rolan Mendiola, Senior House Officer of Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, says they’re still waiting for test results to confirm if the 55-year-old patient has meningococcemia. | via Ernie Penaredondo pic.twitter.com/GmOQHZICUX
— The Philippine Star (@PhilippineStar) January 22, 2019
Aniya, isinara muna sa publiko ang emergency room ng ospital upang maiwasan ang pagkalat ng kinatatakutang sakit.
"Isinara kasi ang emergency room ngayong gabi kasi meron kaming suspected case ng meningococcemia. So kaya po siya sinara. Pero, suspetya pa lang naman po 'yon. Kaya lang, siyempre para maiwasan natin, baka mamaya may mahawa. Kaya po isinara na po namin," dagdag niya.
Kadalasang nilalagnat at nagkakaroon ng rashes ang mga tinatamaan nito ayon sa doktor.
Namataan na raw nila ang ilang rashes sa paa ng pasyente.
"Kasi yung lagnat nung pasyente, wala pang one week eh. Three to five days lang. So ayun, na-refer po siya sa aming infectious doctor. So nakita po doon na may susect ng meningococcemia."
Gumawa na rin daw ng karampatang pag-iingat ang ospital para hindi makuha ng mga nasa emergency room ang karamdaman.
"Yung mga patients naman na na-expose, usually merong single dose ng prophylactic 'yan. So nabibigyan po sila ng antibiotic. So lahat po ng nandun sa emergency room, including the hospital staff, meron po silang gamot na ininom. So prophylaxis naman po yun," wika ni Mendiola.
Ang meningococcemia ay 'di pangkaraniwang sakit na posibleng ikamatay kung hindi malulunasan.
Idinudulot ito ng infection mula sa meningococci bacteria na kadalasang makikita sa ilong o lalamuan ng carrier.
Nauna nang itinanggi ng Department of Health ngayong Enero na walang outbreak ng sakit sa bansa.
- Latest