'Oil price hike ngayong araw, di dahil sa TRAIN'
MANILA, Philippines — Magpapatupad muli ng pagtaas ng presyo ng krudo ngayong araw – ang ikalawa sa loob ng dalawang linggo ngayong buwan – bunsod ng pagtaas ng mga presyo sa pandaigdigang merkado.
Inanunsyo ang pagtaas para sa diesel sa P2.30 kada litro; gasolina sa P1.40; at kerosene sa P2.00.
Wala pa namang kinalaman ang fuel excise tax ng ikalawang bahagi ng Tax Reforms for Accelerations and Inclusion (TRAIN) law dito, sabi ng industry players.
Sa isang text advisory, kinumpirma ng Caltex Philippines at Eastern Petroleum na ipinatupad ang pagsirit ng presyo kaninang alas-dose ng madaling araw.
“Price adjustment only factors the increase in world oil prices and not the second tranche of the TRAIN law (Ibinunsod ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ang dagdag singil at hindi ng ikalawang bahagi ng TRAIN law),” ayon sa Eastern Petroleum.
Ipinatupad naman ng Jetti Petroleum, Petro Gazz, Pilipinas Shell Petroleum Corp., PRR Philippines Corp. at Total Philippines Corp. ang kani-kanilang pagtaas kaninang alas-sais ng umaga.
“This is not yet the effect of the fuel excise tax, but merely a reflection of the movement of international crude prices (Hindi pa ito epekto ng fuel excise tax, ngunit sinasalamin lang ang paggalaw ng international crude prices),” sabi ng Petro Gazz sa kanilang advisory.
“These reflect the changes in the prices of petroleum products in the world market and does not yet include the additional taxes under the TRAIN law (Ipinakikita nito ang pagbabago ng presyo ng petrolyo sa world market at hindi pa kasama ang dagdag na buwis sa ilalim ng TRAIN law),” sabi naman ng Phoenix.
Samantala, wala pa namang inaanunsyong pagtaas ng presyo ang Flying V, Phoenix Petroleum Philippines Inc., Petron Corp., Seaoil Philippines Inc. at UniOil Petroleum Philippines Inc.
Inilinaw ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero na ang mas mababang suplay na inaprubahan ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang dahilan ng panibagong pagtaas.
“The reason for increase is the implementation of supply cut by OPEC which started this January to June by 1.2 million barrels per day (Kaya tumaas ay dahil sa nagbawas ng suplay ang OPEC simula Enero na magtatagal hanggang Hunyo. Aabot ito [supply cut] ng 1.2 milyong bariles kada araw,” sabi ni Romero sa text.
Isa pang dahilan ng pagtaas ang pagpapatuloy ng sanctions ng Estados Unidos laban sa Iran, sabi niya.
Sa ngayon, 469 pa lang sa kabuuang 8,600 na gas stations sa buong bansa ang nagpasok ng dagdag dahil sa ikalawang bahagi ng TRAIN excise tax.
Sabi ni Romero, 371 rito ang sa Petron, 29 sa Flying V, 68 sa Shell at isa sa Caltex.
Sa ilalim ng ikalawang tranche ng TRAIN, dadagdagan ng excise tax na P2 kada litro ang diesel at gasolina, habang P1 naman kada kilo sa Liquefied petroleum gas.
- Latest