NUJP pinabulaanan ang kaugnayan sa CPP-NPA
MANILA, Philippines — Itinanggi ng National Union of Journalists of the Philippines ang patuloy na pag-uugnay sa kanilang grupo sa mga rebeldeng komunista.
Ilang pahayagang tabloid kasi ang naglabas kamakailan ng balitang pinamumunuan diumano ng Communist Party of the Philippines, New People's Army, at National Democratic Front ang mga progresibong mamamahayag. Pare-parehong may pamagat na "NUJP PINAMUMUNUAN NG CPP-NPA-NDF" ang mga artikulong nabanggit.
"Nakatatawang paulit-ulit ang mga alegasyon lalo na't malawak ang kasapian at paniniwalang pampulitiko ng NUJP members," ayon sa isang pahayag sa kanilang Facebook page sa Ingles.
Aniya, pangunahin silang pinagbubuklod ng paniniwalang kailangang palawigin ang kalayaan sa pamamahayag.
"Noong una, ayaw na sana naming patulan ang katawa-tawang sinabi ng isang 'Ka Ernesto' [sa lumabas na artikulo], kaso kahit parang tanga lang ang paninirang 'yan sa NUJP, posibleng mailagay sa panganib ang mga miyembro namin kung sakaling may maniwala diyan," dagdag ng grupo.
Sinabi kasi ni "Ka Ernesto" sa mga inilathalang istorya na matagal na siyang miyembro ng NUJP at mapatutunayang pinatatakbo ito ng mga komunista. Dagdag ni Ernesto, ginagamit din diumano NPA ang mga kabataan, pati na ang mga menor de edad na Lumad, para maging armadong mandirigma.
Umabot na sa 12 mamamahayag ang nasawi sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang sinabi ng pangulo noong Mayo 2016 na hindi ligtas sa assassination ang mga journo kung sila'y maituturing na "son of a bitch."
Pinasaringan din ng grupo ang ilang mamamahayag na hinayaang ilabas ang mga naturang pahayag.
"Nakalulungkot na merong mga journo na nagpapagamit at hinahayaang mailagay sa peligro ang kapwa nila peryodista. Pero hahayaan namin sila. Kahihiyan na nila 'yan na nabibili sila," dagdag ng NUJP.
Iniugnay rin ng isang nagpakilalang "Mario Ludades" na ligal na prente ng mga Maoista ang NUJP noong ika-26 ng Disyembre, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng CPP. Inilathala rin sa ilang pahayagan ang alegasyon.
Kumokonsulta na raw ang grupo sa mga abogado sa ngayon.
- Latest