Okada umapela sa DOJ
MANILA, Philippines — Iginiit kahapon sa Department of Justice ng casino magnate na si Kazuo Okada na walang batayan ang kasong kinakaharap niya sa Paranaque Regional Trial Court.
Sa inihaing motion for reconsideration sa DOJ, sinabi niya na halos pag-mamay-ari niya ang Okada Manila kaya malabong dayain niya ito.
Paliwanag niya, noong panahon na tinanggap niya ang bayad sa kanya noong Abril 30, Mayo 9 at 30, 2017 ay kontrolado niya ang Tiger Resorts, Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI) na siyang nagpapatakbo sa Okada Manila.
Iligal aniya siyang inalis sa TRLEI noon lang Hunyo 16, 2017.
Sa kanyang argumento sa Motion for Reconsideration, sinabi ni Okada na ang bayad na kanyang tinanggap ay suweldo at iba pang bayad sa kanyang kontribusyon at serbisyo sa pagtatayo ng Okada Manila at salig ito sa pinasok na kontrata kay Mr. Takahiro Usui, na inatasan ng Board of Directors ng TRLEI na pumirma sa mga kontrata.
Para kay Okada, mahirap unawain ang resolusyon ng DOJ na nagsasabing ginamit niya sa hindi tama ang pera ng kompanya.
Sinabi pa ni Okada na ang mga kontrata ay inihanda, na-finalize at inaprubahan din ng abogadong si Joseph Joemer C. Perez, Vice President ng Legal and Compliance Department ng TRLEI, habang ang mga bayad naman ay itinakda ni Yoshinao Negishi, ang dating Director and Head of Business Administration ng kompanya.
Ayon kay Okada, malinaw na layon lang ng kaso na sirain ang kanyang reputasyon sa business community at balewalain ang kanyang mga pagsisikap sa pagtatayo at tagumpay ng Okada Manila, na ngayo’y pinatatakbo ng mga nag-aakusa sa kanya.
Noong Mayo 11, 2018, ibinasura ng Paranaque City Prosecutor’s Office ang kasong estafa laban kay Okada at Usui dahil sa kawalan ng sapat na batayan.
- Latest