Hindi NPA ang pumatay kay Batocabe — NDF
MANILA, Philippines — Itinanggi ng National Democratic Front sa Bikol na may kinalaman ang New People's Army sa pagpaslang kay Rep. Rodel Batocabe (Ako Bicol party-list).
Ayon kay Maria Roja Banua, tagapagsalita ng NDF-Bikol, walang kinalaman ang anumang yunit ng NPA at rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan sa insidente.
"Naging otomatiko na sa panig ng AFP-PNP na ibintang sa NPA ang ganitong mga kaso ng pamamaslang at iba pang krimen upang tabingan ang kanilang kaseryosohang imbestigahan at papanagutin ang mga salarin na kadalasan ay nagmumula rin sa kanilang hanay," dagdag ni Banua.
Sinasadya rin daw ng pulisya na magpakalat ng "pekeng balita" kasabay ng selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines.
Hindi naman daw itinuturing na "persona non grata" ng Maoistang grupo si Batocabe ngunit sinabing hindi nila kinikilala ang kanilang party-list bilang tunay na boses ng mga Bikolano.
"... ang pamunuan ng AKO-Bicol ay pawang mga milyunaryo at hindi kailanman tatangkilik ng tunay na kalutasan sa suliranin sa lupa ng mga pinakamahirap na sektor na manggagawang bukid at maralitang magsasakang Bikolano," ayon sa NDF.
Aminado naman ang grupo na bukas ang komunikasyon sa pagitan ng CPP at ni Batocabe lalo na't tumindig siya laban sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, bagay na ikinatuwa ng grupo.
"Dahil dito, pinaunlakan ng PKP-Bikol ang kahilingan niyang pakikipag-usap kaugnay ng kanyang pagkandidato bilang Mayor ng Daraga at nakatakda na sana itong harapin matapos ang Kapaskuhan," dagdag ni Banua.
Ayon kay Banua, ang PNP at militar mismo ang nagpakana ng pagpatay kay Batocabe.
Kaduda-duda raw na hindi nasita ang mga suspek sa kabila ng maraming putok ng baril kahit umatras ang mga salarin sa Barangay Maopi. Nakakalat lang daw kasi ang Peace and Development Team ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa parehong barangay.
"Ang pagpaslang kay Rep. Batocabe ay bahagi ng serye ng mga planadong high profile killings ng rehimeng US-Duterte... sa Kabikulan na itinakda nitong isa sa mga prayoridad ng ‘de-facto’ Martial Law MO 32 (state of emergency on accounts of lawless violence) at EO 70 o ang pagbubuo ng National Task Force to End Communist Insurgency (NTFECI)," kanyang dagdag.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang grupo sa pamilya ng nasawing kongresista.
Inilabas ng NDF ang pahayag matapos sabihin ng Philippine National Police na posibleng kagagawan ng mga rebeldeng komunista ang pagtambang sa mambabatas matapos diumanong tumanggi sa pagbabayad ng buwis sa grupo.
“There is information na parang ito nagbibigay or hinihingan ng revolutionary tax or extortion by NPAs in the area,” sabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde.
Kasalukuyang nagpapatupad ng tigil-putukan ang CPP-NPA-NDF ngayong Kapaskuhan. Hindi naman ito kinagat ng gobyerno.
- Latest