Bilyong pisong alokasyon sa Catanduanes idinepensa
MANILA, Philippines — Wala umanong masama sa paglalagay ng bilyong pisong alokasyon sa isang distrito kung naayon naman ito sa pangangailangan.
Ito ang reaksyon ni Catanduanes Rep. Cesar Sarmiento sa privilege speech ni House majority leader Rolando Andaya kaugnay sa budgetary allocation para sa lone district ng Catanduanes na isa umano sa nakatanggap ng malaking proyekto mula sa Deparment of Public Works and Highways (DPWH) na hindi naman kailangan.
Ayon kay Sarmiento, walang mali sa alokasyon sa kanyang lalawigan na umaabot sa mahigit kumulang na P1.5 bilyon kada taon simula ng siya ang maging kongresista dito noong 2010.
Pinabulaanan din niya ang pahayag na hindi kailangan ng Catanduanes ang flood control project dahil sa katunayan ay palagi silang binabaha.
Dapat din umanong tingnan ng majority leader ang iba pang distrito at hindi lamang ang Catanduanes dahil may iba pang congressional districts ang binabaha ng pondo na umaabot pa sa P5 bilyon hanggang P6 bilyon.
Para naman kay 2nd district Sorsogon Rep. Deogracias Ramos, may pangangailangan sa kanila ng flood control project dahil ang Bulan at Irosin ay madalas binabaha.
Sinabi pa niya na ang alegasyon ni Andaya ay nagbibigay sa kanila ng masamang imahe dahil hindi naman sila ang naghanda ng National Expenditure Program.
- Latest