Bagong AFP Chief iniluklok
MANILA, Philippines — Iniluklok na sa puwesto ang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pinagsabay na change of command ceremony at ika-83 anibersaryo ng hukbong sandatahan, kagabi.
Si Lt. Gen Benjamin Madrigal Jr., miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sandiwa Class 1985 ay humalili sa puwesto ni Gen. Carlito Galvez Jr., na pormal na nagretiro kahapon.
Si Madrigal, dating hepe ng AFP-Eastern Mindanao Command at mistah ni Galvez ang ika-51 AFP chief.
Nagsilbi namang panauhing pandangal si Pangulong Duterte sa nasabing okasyon.
Nabatid na si Madrigal ay kilala bilang ‘mission-focused-leader’ sa AFP dahil sa dedikayon nito sa tungkulin at serbisyo sa publiko.
Kabilang sa mga puwestong hinawakan ni Madrigal ay bilang commander ng Southern Luzon Command at 4th Infantry Division (ID).
Hinawakan din niya ang posisyon bilang chief of staff ng Philippine Army.
- Latest