Bigtime rollback pa
MANILA, Philippines — Muling nagpatupad ng bigtime rollback ang mga kumpanya ng langis sa ikalawang sunod na linggo makaraang may ilan na mauna nang magtapyas ng presyo ng kanilang petrolyo nitong nakaraang Sabado.
Kahapon, unang nagpatupad ng rolbak ang Seaoil pagpatak ng alas-12:01 ng madaling araw. Nasa P1.65 kada litro sa gasolina, at P.60 kada litro sa diesel.
Alas-6 ng umaga nang sumunod ang mga kumpanyang Unioil at Jetti Petroleum na nagbaba ng kahalintulad na presyo sa naturang mga produkto.
Samantala, nagpahayag naman ang Petron at Flying V na magbababa ng presyo ng kanilang produkto dakong alas-6 ng umaga ngayong Lunes.
Sinabi ng Petron na mas maliit na P1.50 kada litro sa gasolina ang kanilang ibababa ngunit bahagyang mas mataas naman sa P.65 kada litro sa diesel ang tatapyasin. Kahalintulad na presyo rin ang ibababa ng Flying V.
Nitong Sabado, nauna nang nagbaba ng kanilang presyo ang Phoenix ng P1.65 sa gasolina at P.60 sa diesel.
- Latest