Tambay inalok ng TESDA
MANILA, Philippines — Inanyayahan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” A. Mamondiong ang mga tambay na magtungo sa pinakamalapit na TESDA office upang makapag-avail ng libreng skills training.
Aniya, dapat ipagbawal na sa buong bansa ang tamad, kaya makakabuti sa ating mga mamayan na walang ginagawa na matuto ng bagong mga kakayahan sa TESDA dahil libre naman ang pag-aaral dito.
Kailangan lamang umano na magtungo sa pinakamalapit na mga TESDA accredited training centers, magtanong kung ano ang mga bukas na kurso na kanilang inaalok at mag-aplay ng libreng training.
“Halina sa TESDA at magsanay para makapagtrabaho at makapagnegosyo,” paanyaya ni Mamondiong.
Ang paanyaya ng TESDA chief ay bilang suporta sa kampanya ni Pangulong Duterte kontra sa mga nagkalat na tambay na naghahasik ng kaguluhan at nag-iinuman sa lansangan.
Nauna rito, iniutos ni Duterte sa mga pulis na arestuhin ang mga tambay na nag-iinuman sa lansangan o iyong mga tambay na gumagawa ng krimen tulad nang pandurukot, panghoholdap at pang-i-snatch.
Aniya, sa halip na magsayang ng oras at maging tambay sa mga kalye o sa bahay, mas makakabuti umano na mag-enrol na lamang sila sa TESDA para magsanay at matuto sa gustong kurso na magagamit sa paghahanapbuhay, makatulong sa pamilya at maging isang produktibong mamamayan.
- Latest