Kadamay na ‘agaw-bahay’ arestuhin!
Duterte sa PNP
MANILA, Philippines — Hindi na papayagan ni Pangulong Duterte ang panibagong pang-aagaw ng Kadamay sa housing units na nakalaan sa mga sundalo at pulis sa Rodriguez, Rizal.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos sa PNP na kapag inulit pa ng Kadamay ang pang-aagaw ng pabahay ng gobyerno ay aarestuhin at kakasuhan ang mga ito.
Ani Roque, una at huli nang pagkakataon ang ginawang pagpaparaya noon ng Pangulo sa Kadamay nang lusubin at angkinin ang mga pabahay ng mga sundalo at pulis sa Pandi, Bulacan.
“We will not let Kadamay takeover these housing units,” paniniguro ni Roque.
Ayon pa kay Roque, sakaling makapasok ang mga miyembro ng Kadamay sa mga pabahay sa Rizal, puwersahan silang bibitbitin ng mga pulis palabas at kakasuhan.
Magugunita na nilusob ng mga miyembro ng Kadamay ang mga nakatiwangwang na housing units na ipinatayo ng National Housing Authority (NHA) sa Rodriguez, Rizal at nagbantang okupahan ang mga ito.
Pinagpapaliwanag naman ng Pangulo ang NHA kung bakit hindi pa naipagkakaloob sa mga housing beneficiaries ang naturang mga pabahay.
- Latest