Cesar Montano nagbitiw
MANILA, Philippines — Nagbitiw na ang actor na si Cesar Montano kahapon bilang Chief Operating Officer ng Tourism Promotions Board (TPB).
Iniwan na ng actor ang kanyang posisyon sa Department of Tourism matapos ngang magkaroon ng isyu ang kanyang mga proyekto partikular na ang Buhay Carinderia na ginastusan umano ng P80 million. Hindi raw ito dumaan sa tamang bidding.
Nauna nang sinabi ni bagong upong DoT Secretary Berna Romulo Puyat na lilinisin niya ang nasabing ahensiya ng gobyerno na kinakapitan ng iba’t-ibang klase ng anomalya.
Diumano ay nagpaliwanag ang actor kay Presidente Duterte last week tungkol sa sinasabing maanomalyang proyekto na Buhay Carinderia kung saan tinuturo niya si dating DoT Secretary Wanda Teo pero hindi na raw nakumbinse ang Presidente. Sinabihan pa rin ito na mag-resign.
Huling nagpulong noong Biyernes sina Department of Tourism (DoT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat at Montano tungkol sa isyu sa ilang mga programa nito.
Dalawang beses nang nagpulong sina Romulo-Puyat at Montano mula nang lumabas ang ulat kaugnay sa P80 milyon na paunang bayad ng TPB para sa proyektong “Buhay Carinderia.”
Kamakailan lang ay natuklasan ni Romulo-Puyat na hindi dumaan sa bidding ang proyekto kaya agaran niya itong ipinatigil upang maimbestigahan ng Commission on Audit (COA).
Ayon naman sa isang anti-corruption group, hindi sapat ang pagbibitiw ni Montano at baka kailangan pa itong ireklamo dahil sa isyu.
- Latest