Oplan Double Barrel itutuloy ng bagong NCRPO chief
MANILA, Philippines — Ipagpapatuloy ng bagong hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga sa pamamagitan ng “Oplan Double Barrel” maging ang mahigpit na pagdidisiplina sa mga hepe at pulis-Metro Manila.
Ito ang binitiwang pangako ni incoming NCRPO Chief, Director Camilo Cascolan na pormal na hahalili kay P/Director General Oscar Albayalde ngayong Lunes.
Ayon kay Cascolan, nais niyang ipakita kay dating PNP Chief, Director General Ronald dela Rosa na hindi niya bibitiwan at paiigtingin pa ang Project Double Barrel. Nakapaloob sa Oplan Double Barrel ang Oplan Tokhang na pagkatok sa mga pinaghihinalaang drug personality para sumuko kasabay ng mga operasyon sa mga ‘high-value targets’.
Nais din ni Cascolan na sundan ang yapak ni Albayalde sa ‘internal cleansing’ sa NCRPO. Kung hindi umano kusang magbabago ang mga tiwaling pulis na nakaupo sa puwesto, siya na mismo ang magdidisiplina sa mga ito.
Ilan sa mga hakbang ni Albayalde na ginawa sa NCRPO ang pag-iinspeksyon sa mga police stations tuwing gabi, pag-inspeksyon sa mga nagpapatrulya sa kalsada, at pagsibak hindi lang sa maliliit na mga pulis ngunit maging sa hepe ng pulisya at sa buong puwersa ng isang istasyon.
Nagbabala si Cascolan na kung hindi kayang magbago ay marapat lamang na umalis na ng NCRPO ang mga tiwaling mga pulis sa kanyang pag-upo.
Samantala, humingi rin ang opisyal ng ibayong tulong at kooperasyon ng publiko upang masugpo ang mga Chinese drug syndicates na nag-ooperate ngayon sa bansa. Sinabi ni Cascolan na napakaimportante ng kahit maliit na impormasyon na ibabahagi ng normal na Pilipino para masugpo ang naturang internasyunal na sindikato.
Si Cascolan ay mahigit sa 25 taon na sa serbisyo at nagsilbing provincial director ng Compostela Valley at hepe ng Taguig City.
- Latest