FDA nagbabala sa imported ice cream
MANILA, Philippines — Muling nagbabala ang Food and Drugs Authority (FDA) sa publiko sa pagbili at pagkonsumo ng ilang brand ng imported ice cream na hindi dumaan sa pagsusuri ng ahensya.
Tinukoy ng FDA ang mga produktong Alibaba Ice Cream Pudding Apple, Mango at Strawberry flavors, Coco Super Chocolate at Coco Christmas Tree Golden Coin Chocolate.
Sa ‘post marketing surveillance’ ng ahensya, hindi nabigyan ng kaukulang awtorisasyon tulad ng ‘Certificate of Product Registration’ ang naturang mga produkto para maibenta sa lokal na merkado.
Hindi dumaan sa tamang pagsusuri ng kanilang mga eksperto ang mga produktong ice cream na galing sa ibang bansa at maaaring makasama sa kalusugan ng kakain ng mga ito.
Nagbabala ang FDA sa lahat ng establisimento kabilang ang mga supermarket at mga tindahan sa pamamahagi, pagbebenta at pagkonsumo ng naturang mga produkto na may kaukulang parusa ayon sa batas.
- Latest























