Graduation gawing simple – DepEd
MANILA, Philippines — Muling nagpaalala kahapon ang Department of Education (DepEd) sa mga school officials na hindi dapat gawing bongga at magarbo ang mga idaraos na graduation ceremonies ng mga mag-aaral upang hindi na ito makadagdag pa sa gastusin ng mga magulang.
Ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, ang mahalaga ay maging makabuluhan ang isang graduation rites upang maging memorable ito sa mga magulang at mag-aaral.
Maaari aniyang sa halip na gumamit ng toga o magagandang damit na babayaran at bibilhin pa ng mga magulang ay uniporme na lamang ang isuot ng mga mag-aaral sa kanilang graduation.
Kasabay nito, mahigpit din ang babala ng DepEd laban sa pangungolekta ng graduation fees o anumang kontribusyon para sa graduation rites.
Alinsunod sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng DepEd, walang dapat bayaran na kontribusyon ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa kanilang pagtatapos.
Nilinaw din niyang walang budget ang departamento sa annual yearbook at kung gusto ng mga mag-aaral na magkaroon nito ay dapat munang magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga magulang at mga guro.
Boluntaryo lamang anya ang naturang yearbook.
- Latest