Dagdag sahod sa gov’t employees tiniyak
MANILA, Philippines — Siniguro ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na susunod na aasikasuhin ng Kamara ang dagdag na sahod para sa lahat ng empleyado ng gobyerno.
Sinabi ni Nograles, na sa oras na makumpleto ang fourth tranche ng dagdag na sahod para sa mga kawani ng gobyerno kasama na ang mga guro sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) para sa susunod na taon ay agad nilang ilalatag ang dagdag na sahod na nauna ng hiniling ni Pangulong Duterte sa Department of Budget and Management (DBM).
Ipinagtanggol naman ni Nograles si Budget Sec. Benjamin Diokno matapos niyang mag-alangan sa hiling ni Pangulong Duterte na dagdag sahod sa mga public school teachers.
Pagtatanggol ng kongresista kay Diokno, mayroon pa kasing inaasahang umento sa sahod sa ilalim ng SSL4 kaya dapat pagplanuhan munang mabuti kung saan huhugutin ang budget para sa panibagong cycle ng salary increase.
Iginiit niya na hindi naman milagro na basta na lamang nahuhulog mula sa langit ang pera na inilalaan ng gobyerno.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng technical study ang kanilang komite para sa posibleng wage adjustments.
- Latest