Noynoy ‘di sumipot saMamasapano arraignment
MANILA, Philippines — Hindi sumipot kahapon si dating pangulong Noynoy Aquino sa arraignment ng kanyang kaso sa Sandiganbayan na may kaugnayan sa palpak na operasyon sa Mamasapano noong 2015.
Sa halip, muling itinakda ng Anti-Graft court third division ang arraignment ng kasong graft at usurpation of authority ng dating pangulo sa Pebrero 15, 2018.
Si Aquino ay kinatawan ng kanyang abogado na si Atty. Romeo Fernandez kung saan naghain din siya ng motion to quash.
Hiniling din ni Fernandez na ibasura ang naturang mga kaso sa kadahilanan na ang nasabing krimen umano ay hindi naman ginawa ni Aquino.
Nakadalo naman sa kanyang pre-trial kaugnay pa rin ng Mamasapano incident ang kapwa akusado ng dating pangulo na si dating PNP chief Alan Purisima.
Si Aquino ay kinasuhan ng Office of the Ombudman ng kasong kriminal dahil sa paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Usurpation of Official Functions o Authority kaugnay ng palpak na Mamasapano anti-terrorism operations kung saan pinayagan niya si Purisima na noon ay suspendido sa kanyang puwesto, na manguna sa Oplan Exodus para ma-neutralize ang international wanted terrorist na si Zulkifil bin Hir alyas Marwan.
Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkamatay ng tinaguriang SAF 44.
Nauna na rin naglagak ng piyansa si Aquino ng halagang P40,000 sa Sandiganbayan para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
- Latest