DepEd order na nagbabawas sa sahod ng mga guro, pinasisiyasat
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nina Act Teachers Partylist Reps. France Castro at Antonio Tinio ang kautusang ipinalabas ng Department of Education (DepEd) na nagbabawas sa sahod ng mga guro.
Sa House Resolution No.1342 na inihain nina Tinio at Castro, layon nito na magkaroon ng congressional investigation kaugnay sa legalidad ng DepEd Order (DO) No. 38 na awtomatikong nagbabawas sa net take home pay (NTHP) ng halos kalahati ng teaching personnel at iba pang empleyado ng DepEd ng halagang bababa sa P4,000 mula Oktubre .
Hinikayat ng mga kongresista ang DepEd na kaagad ibalik ang arbitrary deductions sa suweldo ng mga naapektuhang guro at empleyado.
Dahil umano sa serye ng mga protesta ng mga public school teachers, kaya napilitan si Sec. Briones na sumunod sa panawagan ng mga guro at mag-isyu ng DO No. 55 na pinapanatili ang 4,000 threshold at epektibong binabawi ang DO NO. 38. Subalit sa kabila umano ng pagpapalabas ng DO No. 66 ay kailangan pa ring imbestigahan ang hakbang ng DepEd upang mapanagot sila dahil sa arbitrary issuance ng DO No. 38 na nagdulot ng pinsala sa libong department personnel at kanilang pamilya.
Bukod dito, inilagay umano ni Briones sa alanganin ang buhay ng kanyang mga tauhan at kanilang pamilya dahil sa kagutuman dulot ng kakarampot na suweldo.
- Latest